Hirit ng China na pag-usapan ang kanilang fisheries law, ibinasura ng Pilipinas
Ibinasura ng pamahalaan ng Pilipinas ang hirit ng China na pag-usapan ang bagong batas na pinairal nila sa pinag-aagawang West Philippine Sea (o South China Sea) kung saan kailangan munang humingi ng permiso ang mga dayuhang sasakyang pandagat bago makapaglayag at makapangisda sa lugar.
Nauna nang iprinotesta ng Pilipinas ang naturang bagong batas na sinimulang ipatupad ng China nitong Enero 1, 2014 maging sa karagatang sakop at inaangkin ng Pilipinas.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, na ang bagong regulasyon ay isa lamang sa mga taktika ng China. (Basahin: China calls on Manila to meet it halfway on fishing rules)
"The regulation is only one of the unilateral measures by China to force a change in the regional status quo in order to advance its nine-dash line position of undisputed sovereignty over nearly the entire South China Sea,” anang opisyal.
Sa halip, hiniling ni Hernandez sa China na sundin nito ang kasunduang nabuo noong 2011 sa Pilipinas na ipagpatuloy ang ugnayan ng dalawang bansa at isangtabi ang gusot sa pinag-aagawang teritoryo.
“This became the content of a signed declaration between the Philippine and Chinese presidents then. We are hopeful for adherence to that agreement,” paalala ng opisyal.
Iginiit ng Pilipinas na hindi sakop ng naturang batas ng China ang mga Pilipino. Tinawag ding iligal at banta sa regional peace and stability ang ipinatupad na regulasyon.
Una rito, iginiit ng China na sakop nila ang halos lahat ng South China Sea na nakapaloob sa inaangkin nilang nine-dash line at kasama rito ang mga isla, reefs at atolls na tinatawag na Spratlys.
Bukod sa Pilipinas, inaangkin din ng mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan ang ilang bahagi ng karagatan na nais sakupin ng China.
Nitong Huwebes, sinabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi dapat pansinin ng mga mangingisdang Pinoy ang naturang regulasyon ng China.
Kasabay nito, sinabi ni Hernandez na itutuloy ng Pilipinas ang reklamong isinampa sa United Nations tribunal kahit hindi makibahagi ang China sa isasagawang arbitration proceedings.
"We reiterate our invitation to China to join us in the arbitration [process] as we intend to proceed with or without China for a final disposition," deklara niya. -- FRJ, GMA News