Suspek sa pagpatay at paggahasa sa bata sa Maynila, nahuli na; pamilya ng suspek, nangangamba
Nadakip na ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang anim na taong gulang na babae sa Pandacan, Maynila. Nangangamba naman daw ang pamilya ng suspek na baka sila ang pagbalingan ng galit ng mga tao dahil sa nangyaring krimen.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera na nagkakagulo ang mga residente sa barangay 872 matapos malaman ang balitang nahuli na ang pumaslang at humalay sa batang biktima na si Arlene Balolong.
Natagpuan ang mga labi ng biktima sa madamong bahagi sa President Quirino Avenue noong Linggo ng madaling-araw.
Nang makumpirma ang pagkakakilanlan sa suspek, kaagad siyang inalis ng mga barangay sa lugar at nakatakdang iharap kay Manila Mayor Joseph Estrada.
Sinabi sa ulat na galit ang mga tao sa suspek at hinabol ang mobile na pinagsakyan sa suspek.
Lumitaw din na kakilala ng pamilya ng biktima ang pamilya ng suspek dahil magkatabi lamang ang bahay na kanilang tinitirhan.
Nagpahayag naman daw ng pangamba ang pamilya ng suspek para sa kanilang kaligtasan dahil sa mga naririnig at pagtuturo tungkol sa asawa't anak ng suspek.
Nakikiusap umano ang mga ito na huwag silang idamay sa nangyaring krimen.
Bago natagpuan ang bangkay ng biktima, nakunan din sa CCTV na kasama ng suspek at hawak ang batang biktima.
Ipinagtataka raw ng mga residente at opisyal sa barangay kung bakit nagawa ng suspek ang karumal-dumal na krimen gayung kilala itong tahimik at walang masamang rekord sa kanilang lugar. -- FRJimenez, GMA News