Suspects sa pag-carnap sa SUV ng ex-solon, inaalam kung konektado sa pagdukot sa Ateneo student
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sangkot din sa pagdukot sa isang Ateneo student at isang University of the Philippines professor noong nakaraang taon ang apat na lalaking nahuli kaugnay sa pag-carnap naman sa sport utility vehicle (SUV) ng isang dating kongresista.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA news "Saksi" nitong Martes, sinabing nahuli noong nakaraang linggo ang mga suspek na sina Dennis Valdez, Alvin Ignacio, Gonzalo Terado at Noel Dellosa, habang papatakas sakay ng SUV na pagmamay-ari ni dating Quezon City Rep. Mat Defensor.
Ayon sa ulat, tinutukan ng apat ang drayber ni Defensor sa Xavierville, Q.C. noong nakaraang linggo at kinuha ang mga pwedeng pakinabangan sa biktima.
Ngunit hindi na sila nakapalag nang arestuhin ng mga pulis matapos masundan sa tulong ng GPS na nakalagay sa sasakyan.
Nakuha mula sa kanila ang mga baril at droga.
Bagaman inamin ang krimen, iginiit ni Ignacio na wala silang balak kunin ang sasakyan at kidnapin ang biktima. Ang pagkuha lang umano sa pera ng biktima sa pamamagitan ng pag-withdraw sa ATM (automated teller machine) ang kanilang modus.
Ngunit sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kinalaman umano ang mga suspek sa iba pang kaso ng pagnanakaw gamit ang parehong modus kabilang ang pagdukot sa isang Ateneo student at pagdukot at pagnanakaw sa isang UP professor sa loob mismo ng UP campus noong nakaraang taon.
Basahin: Ama ng Atenean na dinukot daw sa campus, dismayado sa ‘kidnap me’ theory ng mga pulis
Basahin: ‘Kidnap incident’ in Ateneo campus did not take place – QC police chief
"Ganun lahat ng modus operandi nila. Tutukan nila [ang biktima], ilalagay sa loob ng [sasakayan], ang panakot ipapatubos pero 'yon lang ang kailangan... ang lumalabas ngayon dito na positive na identified, lumabas pito baka maging walo pa," ayon kay C/Supt. Richard Albano, hepe ng QCPD.
Bagaman iginiit ng isa sa mga suspek na small time lang ang kanilang grupo, sinabi ni Albano na, "Lahat ng malaki nagsimula sa maliit. 'Pag nasanay sa maliit na trabaho 'yan maghahanap ng malaki."
Nanawagan ang QCPD sa sinumang posibleng naging biktima ng mga suspek na lumutang para mapalakas pa ang kaso laban sa kanila. -- FRJ, GMA News