ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Charter change, 'di pa patay sa Kamara, ayon kay Belmonte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., nitong Huwebes na kasama pa rin sa listahan ng kanilang prayoridad na tatalakayin sa Kamara de Representantes ang kontrobersiyal na pag-amyenda sa Saligang Batas para baguhin ang ilang probisyon tungkol sa ekonomiya.

Ang deklarasyon ni Belmonte ay taliwas sa inihayag ng kaniyang opisyal na si House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, na malamang na wala nang mangyayari sa hakbangin na amyendahan ang Saligang Batas dahil sa kawalan ng suporta mula kay Pangulong Benigno Aquino III.

"In my proposal, you are not opening doors, you are simply providing a key in opening the door in case there is a need," paliwanag ni Belmonte sa media.

Naniniwala rin ang lider ng Kamara na makukumbinsi pa rin niya si Aquino na suportahan ang Charter change dahil lilimitahan lamang sa economic provisions ang gagalawin at walang isyung pulitikal.

Iginiit ni Belmonte na makakalikha ng dagdag na mga trabaho at makatutulong sa ekonomiya ng bansa ang kanilang hangarin na amyendahan ang Saligang Batas.

"I want to prove we are not obsessed with term limits.  It is impossible for us to zero in on important issues, and to keep it there," aniya. "Any attempt to put other provisions in the discussion, I, myself, will encourage them to do that.”

Una rito, sinabi ni Gonzales, chairman din ng House rules committee, na habang papalapit ang pagtatapos ng termino ni Aquino ay lalong lumalabo ang tiyansang magalaw nila ang Charter change.

Lalo raw kasing magkakaroon ng pagdududa ang mga kritiko ng Charter change habang papalapit ang eleksiyon sa pag-aakalang gagalawin ang Saligang Batas para alisin lamang ang term limit ng mga halal na opisyal.
 
Sa panayam noong Martes, sinabi Gonzales, na dapat sanang naisagawa ang Charter change noong unang bahagi pa lang ng panunungkulan ni Aquino. Ngayon, nasa ikatlong taon na ang pamamahala ni Aquino at muling magkakaroon ng panguluhang halalan sa 2016.

"The problem with any attempt to amend the Constitution, nagiging scare tactic iyan (term extension), na it is only a camouflage for the changing of the political framework of the government," paliwanag niya. -- RP/FRJ, GMA News