Pinakamababang temperatura sa Metro Manila, naitala nitong Sabado
Nagpapatuloy ang malamig na panahon sa bansa. Nitong madaling araw ng Sabado, bumagsak sa 16.9 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila, ang pinakamababa umano ngayong taon sa nabanggit na lugar.
Sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ng PAGASA forecaster na si Manny Mendoza, na bumagsak nang mas mababa sa 17 degrees Celsius ang temperatura bandang 6:20 a.m.
"Ngayong araw ang pinakamababang temperaturang naitala ngayong [panahon ng] Amihan," sabi ni PAGASA forecaster Glaiza Escullar sa hiwalay na ulat ng dzRB radio.
Sinabi nito na maaaring magpatuloy ang malamig na panahon hanggang sa huling linggo ng Pebrero o ikalawang linggo ng Marso.
Dagdag pa ni Escular, may binabantayan silang isang low-pressure area na maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong paparating na linggo.
"Inaasahang papasok ito by Wednesday," sabi niya, ngunit hindi pa ito inaasahang maging bagyo.
Sinabi naman ni Mendoza na ang mababang temperatura ay naitala sa Science Garden sa Diliman sa Quezon City.
Mas mababa pa ito sa 17.5 degrees Celsius na naitala noong Enero 18.
Ang pinakamababang temperatura na naitala sa kasaysayan ng Metro Manila ay 15.1 degrees Celsius na naganap noong Pebrero 4, 1987 at Disyembre 30, 1988.
Sa Baguio naman, sinabi ni Mendoza sa ulat ng PNA, na nasa 9.5 degrees Celsius ang temperatura na naganap dakong 6:10 ng umaga.
Ang pinakamababang temperatura sa Baguio ngayong taon ay naitala noong Enero 19 sa 8.1 degrees Celsius.
Sinabi kamakailan ni Mendoza na maaaring magtagal ang ganitong panahon hanggang kalagitnaan ng Pebrero dahil sa northeast monsoon. -- JGV/FRJ, GMA News