ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas para ibalik ang bitay, inihain ni Sotto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ang pagdami ng mga nagaganap na karumal-dumal na krimen sa bansa ang ginamit na dahilan ni Senador Tito Sotto para ibalik ang parusang kamatayan.

Sa kaniyang Senate Bill 2080, sinabi ni Sotto na, “influx of heinous crimes... in the country nowadays” at “indiscriminate and horrendouse brutality happening everywhere” ay sapat na dahilan para ibalik ang death penalty.

Sinabi ng senador na hindi "deterrent" sa mga kriminal ang umiiral ngayon na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkakabilanggo.
 
Sa ilalim ng kaniyang panukala, kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection ang ipapataw na parusa sa mga mapapatunayang nagkasala ng karumal-dumal na krimen.

Nilinaw naman ni Sotto na hindi salungat sa kaniyang paninindigan na pro-life laban sa pagpasa ng Reproductive Health law ang kaniyang posisyon ngayon para sa death penalty.

“Nope. That's different. I am pro-life for the unborn and the Filipino family. I am pro-death to heinous criminals,” paliwanag ni Sotto sa text message.

“Ang layo, di ba? I'm not pro-life for heinous criminals?” dagdag niya.

Tuluyang ibinasura ang parusang kamatayan noong 2006 sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga.

Sinabi naman ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr., na hindi pa natatalakay kay Pangulong Benigno Aquino III at ng Gabinete ang naturang usapin sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

“Hihintayin na lang po natin iyong panukalang iyan dahil hindi pa naman ito napapagpasyahan o hindi pa naman ito tinatalakay o inilalahad sa Gabinete. Hintayin na lang po natin ang panukala hinggil diyan,” anang opisyal.

Inamin ni Coloma na isa sa mga ikinukonsidera ng Pangulo sa naturang usapin ay ang mga depekto sa sistema ng hustiya sa bansa.

“If the justice system is flawed, delikado iyong mga mapaparusahan na inosente, di ba? Iyon iyong isa sa mga concerns,” paliwanag niya.

Gayunman, tiniyak ni Coloma na ginagawa ng pamahalaan at mga awtoridad ang lahat kontra sa mga kriminal. -- FRJ, GMA News