Australyano, patay sa sakal ng babaeng isinama niya sa bahay
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang Australyano na sinakal hanggang mamatay ng isang 31-anyos na babae na isinama niya sa kaniyang inuupahang apartment sa Lapu-lapu City, Cebu.
Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rodney Chamber, 59-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na kasama raw ni Chamber ang babaeng suspek na pumasok sa nirerentahan nitong apartment sa barangay Pajo, Lapu-Lapu City.
Ayon sa mga saksi, nag-away ang dalawa dahil itinaboy umano ng dayuhan ang babae. Pero ayaw namang umalis ang babae dahil naniningil ito ng bayad sa dayuhan.
Hindi binanggit sa ulat kung para saan ang hinihinging kabayaran ng suspek.
Ang malakas na sigawan umano ng dalawa ay humantong sa pisikal na komprontasyon hanggang sa sakalin ng babae ang dayuhan na dahilan ng pagkamatay nito.
Wala raw nagawa ang mga nakarinig sa away ng dalawa dahil sa takot.
Depensa naman ng babaeng suspek na nakakulong ngayon sa himpilan ng pulisya, idinepensa lang umano niya ang sarili laban kay Chamber.
Giit niya, bukod sa hindi siya binayaran ng biktima, binugbog din umano siya nito.
Nahaharap sa kasong homicide ang suspek. Isinailalim naman sa autopsy ang bangkay ng biktima. -- FRJ, GMA News