ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nanuntok daw ng isang matanda, kinuyog ng mga kaanak ng biktima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bugbog ang inabot ng isang lalaki sa Cagayan de Oro City matapos siyang pagtulungan ng mga kaanak ng isang matandang lalaki na unang sinaktan umano ng lalaki.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing unang sinuntok ng lalaki na nakilalang si Renato Blanco, ang matandang si Sylvano Tagarda.

Batay sa salaysay ng mga saksi, lumapit si Tagarda kay Blanco para sawayin ito dahil sa pagiging maingay.



Pero bigla na lang umanong sinuntok ni Blanco ang matanda na dahilan para ito mabuwal sa kalsada.

Dahil dito, hinabol si Blanco ng mga kaanak ng matanda at nang maabutan siya sa Carmen Street ay pinaulanan siya ng suntok at sipa.

Nitong nakaraang araw, aborido umano si Blanco dahil nawawala ang kanyang panabong na manok.

Nang tanungin daw ang lalaki tungkol sa nangyari, wala raw siyang maalala dahil sa kaniyang kalasingan.

Dinala si Blanco sa presinto habang isinugod naman sa ospital ang matanda. -- FRJ, GMA News