ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang mga larawang hango sa CCTV bago at matapos mabugbog si Vhong Navarro


Iprinisinta na sa media nitong Miyerkules ng National Bureau of Investigation ang CCTV footage sa mga pagyayari bago at matapos ang pambubugbog kay aktor at television host na si Vhong Navarro sa loob ng isang condominium unit sa Taguig City noong ika-22 ng Enero.

Sa ilang video grabs na nakuha ng "News To Go" mula sa NBI, ipinakita na magkasunod lamang na pumasok sa condominium sina Vhong at si Cedric Lee, na pinaniniwalaang tumuloy sa unit ng model at stylist na si Deniece Cornejo, umano'y pinagtangkaang gahasain ng aktor sa loob ng condo unit ng dalaga.

Binugbog ng grupo ni Lee si Vhong matapos umano nito tangkaing halayin si Cornejo.

Si Cedric Lee ay kaibigan umano ni Cornejo na sumaklolo sa dalaga.

Sa ulat ng News To Go nitong Miyerkules, narito ang oras at pangyayari ayon sa mga litratong hango sa CCTV footage:

22:38 (10:38 p.m. )

- Makikita mula sa mga kuha o screen grab ng CCTV footage na pumasok sa lobby ng condominium ang aktor. Mag-isa lang ito. Nakasuot ito ng sombrero at naka-shorts lang.

22:41 (10:41 p.m.)

- Halos kasunod na pumasok ni Vhong si Lee. Mag-isa rin lang ito.

22:43 (10:43 p.m.)

-  Pumasok ang ilang kalalakihang itinuturo ng kampo ni Vhong na nambugbog sa aktor.

Maya-maya lamang ay makikita ang pagpasok ni Deniece na tila nakapantulog lamang. Hindi malinaw kung anong oras naganap ito.

Pagkalipas ng 33 minuto, ayon sa ulat ng News To Go, makikita na ang pagpasok sa elevator ni Vhong kasama ang mga kalalakihang hindi umano nakitang pumasok sa loob ng condominium bago dumating ang aktor.

Tila nakatali na sa likod ang mga kamay ng aktor at pinaghihinalaang nabugbog na ito nang mga sandaling iyon.

Ang pinakahuling video grab, makikta sina Deniece, Lee, at iba pang lulan ng elevator.

Ayon sa report, maaaring ito na raw ang oras kung saan patungo na sa presinto ng pulis ang kampo nina Cornejo upang ipa-blotter ang umano'y attempted rape laban sa aktor.

Noong Martes, nagsampa ng kaso si Navarro laban kay Deniece at sa mga bumugbog umano sa kanya.

Kabilang sa mga kasong isinampa ni Vhong ay serious illegal detention, serious physical injury, grave threat, illegal arrest, at coercion.

Sa panig naman ng 22-anyos na dalaga, naghahanda na umano ang kampo nitong magsampa ng kasong rape laban sa aktor. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News