ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grupo ng minorya, duda sa tunay na pakay ng mayorya sa planong Charter change sa Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Duda ang grupo ng minorya sa Kamara de Representantes sa tunay na intensiyon ng mayorya sa gagawing pag-amyenda sa Saligang Batas para baguhin ang mga probisyon tungkol sa ekonomiya.

Sa pulong balitaan, nagbabala si House Minority Leader Rep. Ronaldo Zamora (San Juan), na magiging "free for all" na ang diskusyon sa sandaling magkaroon ng pagkakataon na galawin ang Konstitusyon.

"I don't think you cannot just limit it to economic provisions with the way the Speaker wants the amendments based on the phrase 'unless otherwise provided by law," pahayag ni Zamora

Una rito, sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., isa sa mga lider ng administration party na Liberal Party, na kailangang baguhin ang mga economic provision para mapalago pa ang ekonomiya at makalikha ng trabaho.

Basahin: Charter change, 'di pa patay sa Kamara, ayon kay Belmonte

Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte sa kabila ng paninindigan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na tutol siya na galawin ang Saligang Batas.
 
Sa panayam ng media, ipinahiwatig ni Zamora na walang garantiya na hindi magagalaw ang mga "political" provision sa Saligang Batas tulad ng pag-alis ng term limit ng mga halal na opisyal kapag nabuksan sa pag-amyenda ang konstitusyon para susugan ang mga economic provision.

Nagbabala naman sina Anakpawis Rep. Jonathan Hicap at Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, na magkakaroon ng masamang epekto sa katatagan ng bansa kapag natuloy ang Charter change na isinusulong ni Belmonte.

"Cha-cha train on Daang Matuwid will crash head-on and wreck our local economy," ayon kay Hicap.

Hinala pa niya, ang gagawing pag-amyenda ay, "lobby work of foreign chambers of commerce and investors to further liberate and open the local economy for the benefit and interest of foreign businesses and investments."

Iginiit naman ni Colmenares, na walang pag-aaral na magpapakita na may kaugnayan ang kahirapan at pagsusog sa Saligang Batas. Sa halip na Charter change, mas makabubuti umanong pagtuunan ng pansin ng liderato ni Belmonte ang iba pang mahahalagang panukalang batas na nakabinbin sa kapulungan. -- RP/FRJ, GMA News