ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dr. Martin Bautista nais gamutin ang 'sakit' ng trapo sa Senado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kabila ng marangyang buhay sa Amerika at magandang takbo ng negosyo--ano nga ba ang nagtulak kay Dr. Martin Bautista para bumalik sa Pilipinas at kumandidatong senador sa ilalim ng isang partidong Kapatiran na hindi naman kilala ng tao? “Sobrang katiwalian sa gobyerno. Nakita namin na sumasama na ang buhay sa Pilipinas at bilang Filipino, kahit gaano karangya ang buhay namin sa Oklahoma, meron kaming pananagutan sa bayan natin at sa mga kababayan ko," pahayag ni Bautista sa panayam ng GMANews.TV sa kanyang tahanan sa New Manila, Quezon City. Nakapagtayo ng sariling klinika ang mag-asawang Martin at Sylvia Tan sa Guymon, Oklahoma noong 1998 at tinawag nila itong Specialty Clinics of St. Anne. Gastroenterologist si Martin, 44 taong gulang, at pulmonologist naman si Sylvia, na tubong Bacolod City. May apat silang anak na babae: Katherine, 13; Victoria, 12; Andrea, 6; at, Leticia, 4. Sa nakalipas na tatlong taon, pabalik-balik din sa Pilipinas at Amerika si Dr. Bautista para sa medical missions at free clinic sa Bacolod. Anak siya ni Andres Bautista, isang abogado na tubong Hagonoy, Bulacan, at Lilia Donato, isang maybahay na tubong Vigan, Ilocos Sur. Ang kapatid niyang si Susan ay matagumpay na rin sa San Francisco, California, at si Gabby ay nasa San Francisco. Dean sa Far Eastern University (FEU) naman si Andres Jr. at abogado ang dalawa pang kapatid na sina Jose at Tinine. Sa aming panayam kay Dr. Bautista, bakas sa kanyang pananalita ang galit sa tingin niya ay masamang pamamalakad ng mga “trapo" (traditional politician) sa pamahalaan na mistulang ginawang negosyo ang pulitika. Makailang ulit niyang binanggit at ipinagdiinan na ang talamak na korapsyon sa gobyerno ay dapat nang matigil dahil ito ay pumapatay ng mahihirap na Filipino. “Ang dami nating kababayan na namamatay dahil walang pambili ng gamot, walang mainom na malinis na tubig, walang makain." Pinasaringan din niya ang mga senatorial candidates ng Team Unity ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, partikular ang aktor na si Cesar Montano na iniulat sa media na sinasabing “nagtampo" sa administrasyon matapos hindi maibigay ang ipinangako sa kanyang P200 milyon panggastos sa kampanya. Bagaman itinanggi na ni Montano ang nasabing ulat, iginiit ni Bautista na dapat ipaliwanag ng pamahalaan kung saan nito kinukuha ang mga panggastos ng 12 kandidato sa Senado. “Kung talagang gusto ni Montano na magsilbi sa bayan, hindi niya dapat sinasabi sa media na milyun-milyong kikitain niya sa pelikula ang nawala dahil sa desisyon niyang kumandidato," pahayag ni Bautista. Iskolar ng Bayan Si Bautista at ang kanyang asawang si Sylvia ay kapwa nagtapos ng medisina sa University of the Philippines (UP). Bilang “iskolar" ng premier state university, sinabi niya na malaki ang utang na loob niya sa bayan na nagpaaral sa kanila. Kaya naman nang magtungo sa US pagkatapos ng pag-aaral noong 1989, hindi sumagi sa isip niya na manatili doon ng habambuhay. Ipinagpatuloy lamang niya ang masusi pang pag-aaral sa medisina sa State University of New York - Brooklyn mula 1990 hanggang 1996. Nabigyan ang mag-asawa ng sertipikasyon ng American Board of Internal Medicine upang makapanggamot sa Amerika. “Nagbigay ako ng kundisyon sa sarili ko para hindi na umuwi ng Pilipinas," pagtatapat niya. “Una, kung magkakasakit ako ng malubha like heart attack, kung hindi magiging maganda ang negosyo namin o kaya naman magkakasakit ang mga anak ko. Thank God dahil hindi nangyari ang tatlong ito at ito ang naging sign para magpasya ako last year na magbalik na sa Pilipinas,"aniya. Bagaman 17 taon nang naninirahan sa US (7 taon sa New York at 10 taon sa Oklahoma kung saan nagtayo siya ng klinika), kahit minsan ay hindi inisip ni Bautista na isuko ang kanyang Filipino citizenship kapalit ng US citizenship. Sinabi ni Bautista magawa nilang mag-practice ng kanyang propesyon sa loob ng 17-taon sa bisa lamang ng working permit. Gusto umano niyang maging halimbawa sa iba pang Filipino na nasa abroad para magbalik sa Pilipinas. “Nais kong isipin nila na iisa lang ang bayan namin at hindi nila yan maiaalis kahit pa gaano kaganda ang lagay nila sa bansang kinaroroonan nila . Kung iiwan natin ang Pilipinas sa kamay ng mga trapo, ano na lang ang mangyayari sa bayan natin," dagdag pa niya. Hinikayat ni Bautista ang mga global Pinoy na umpisahan nang bawiin ang ating Pilipinas sa mga trapo sa pamamagitan ng pagiging aktibo sa electoral process. “Ang nangyayari, ang mga trapo they make a living out of politics. Kumikita sila at ginagamit nilang parang franchise ang pulitika--parang cottage industry ng kanilang pamilya. Kailangan ihinto natin ito dahil masama, nakamamatay ang korapsyon," pagdidiin niya. Sinabi pa ni Bautista na ang pagbabalik niya sa Pilipinas upang ialok ang sarili sa mamamayan bilang alternatibong kandidato ay maliit na sakripisyo sa kanyang parte kumpara sa sakripisyo ng iba pang “iskolar" tulad ng mga youth leaders na sina Lian Alejandro, Ed Jopson at Rolando Olalia, na pawang pinaslang. Plataporma Bukod kay Bautista, kandidatong senador ng partidong Kapatiran sina Atty. Jesus Zosimo Paredes at Atty. Adrian Sison. Sa tatlo, si Sison ang pinakamatagal nang kasapi ng Kapatiran. Pangunahing adbokasya ng Kapatiran na ibalik sa sentro ng politika ang Diyos, pantay na katarungan, pagbabalik ng moralidad sa mga pinuno at ang dangal para sa mga mamamayan. Ayon kay Bautista, walang sapat na pondo ang Kapatiran kaya malaking tulong sa kanilang kampanya ang kontribusyon na bigay ng mga tao. Katunayan, ipinagmalaki niya ang “10 pisong" coin na iniabot sa kanya ng isang matandang ginang nang mag-ikot sila sa Tutuban, Maynila kamakailan. Dahil sa mga kontribusyon ng karaniwang tao ay nagsisilbing “stake holders" ang mamamayan sa kanilang kampanya. “Nagbibigay ng motivation sa amin kapag nakikita ang mga tao na natutuwa kapag nalaman nila na may kandidato na katulad namin na hindi trapo. Sa Bacolod nga may naglabas pa ng kartolina na nakasulat kamay ang Kapatiran," kuwento niya. Nang tanungin ang tsansa nilang manalo, sinabi ni Bautista na hindi sila nangangambang matalo dahil wala naman silang malaking halaga na ginagastos. “Puwede mo kaming tawagin na talunan kung umatras kami dahil natakot kami sa laki ng pondo ng ibang partido o kaya dahil natakot kami na hindi mabibilang ang boto namin dahil kay (dating election commissioner Virgilio) Garcillano. Pero, hindi kami aatras at tiyak na mananalo kami dito," diin niya. Sa mga pinakahuling survey, nasa pang-28 posisyon si Bautista. Mas mataas ang kanyang puwesto kumpara kay Jamalul Kiram na kasama sa Senate slate ni Pangulong Arroyo. Kung mananalo, sinabi ni Bautista na ang isyu ng kalusugan at edukasyon ang pangunahin niyang tututukan. Bagaman pabor siya sa parallel importation ng mga gamot, mas makabubuti at makatitiyak na ligtas ang mga gamot kung dito na ito sa bansa gagawin. Gagawa rin siya ng hakbang na maibalik sa national government ang health services dahil mas lalong lumubha umano ang serbisyo ng kalusugan lalo na sa mga lalawigan nang ma-deregulate ito sa local government. Kwento ni Dr. Bautista, noong umuwi daw siya sa Pilipinas ay nahirapan siyang kumuha ng driver's license at mag-practice ng kanyang propesyon. Labis na pahirap daw ito sa mga katulad niyang OFW na gusto nang bumalik at manatili na sa Pilipinas. Kaya't kapag naihalal daw sa Senado, bibigyang pansin niya ang kapakanan ng mga OFWs. Kailangan din umanong dagdagan ang mga text book, class room at guro para maitaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa. “Dapat bigyan ng mataas na sahod ang mga teacher which is the most noble profession at hindi mas mataas pa ang sahod ng domestic helper sa Hong Kong o Taiwan," aniya. Anuman ang mangyari sa kanyang kandidatura, sinabi ni Bautista na mananatili na siya sa Pilipinas kapiling ng mga asawa at apat na anak na babae. “Kapag namatay ka na, hindi ka huhusgahan ng Diyos sa dami ng kotse mo sa garahe. Huhusgahan ka kung ano ang nagawa mo sa kapwa mo," aniya. “Hindi sapat na mabuhay lang para sa sarili, meron tayong pananagutan sa ibang tao. At sana sa eleksiyon na ito, magising na ang mga tao," pagtatapos ni Bautista. - GMANews.TV