Mga benepisyo sa mga atletang Pinoy na naging kampeon, isinulong ng mambabatas
Isang panukalang batas ang inihain ng isang mambabatas sa Kamara de Representantes na naglalayong bigyan ng mga benepisyo ang mga propesyunal na manlalaro na magbibigay ng karangalan sa bansa. Kabilang sa mga ipagkakaloob ay health care, retirement at death benefits.
Paliwanag ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, karamihan sa mga uri ng palakasan ay masyadong pisikal kaya nalalagay sa peligro ang buhay ng mga atleta. Dahil din dito, nagiging maigsi umano ang panahon ng kanilang pagsabak sa kompetisyon.
“Unlike other career professionals, the career lifespan of a professional athlete is short. Many do not reach the age of 40 before retiring, giving way to the much stronger and younger athletes. Some are forced to retire because they have passed the height of their careers, while others are just given bad breaks in life after winning a title,” pahayag ng kongresista sa inihaing House Bill No. 3707.
Ginawa niyang halimbawa ang mga dating Filipino world boxing champions na sina Rolando Navarette, Luisito Espinosa at Z. Gorres, na naoperahan pa sa ulo matapos ma-comatose sa isang laban.
“Navarette is reduced to the life of a pauper, dependent on charitable gestures from his countrymen for his existence and medical expenses. Luisito Espinosa is forced to fight mediocre fights just so he could survive living in the United States. Z. Gorres is fortunate that many generous persons contributed to shoulder some of the medical bills he incurred,” ayon kay Suansing.
Bagaman may natatanggap na premyo sa kanilang mga laban, sinabi ni Suansing na higit na pa sa palakpak at heroes welcome ang dapat maibigay sa kanila kapag naging kampeon na at nagbigay ng karangalan sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Suansing na mapaloob ang mga atleta sa National Health Insurance Program ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), sa pamamagitan ng special program na tutustusan ng Games and Amusement Board (GAB), at may local government premium counterpart na direktang ilalagay sa Philhealth.
Kapag umabot na sa 50-anyos ang atleta, awtomatiko siyang magiging honorary member ng program, alinsunod sa bubuuing patakaran ng Philhealth. Dapat pasanin naman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng Individual Medical Assistance Program (IMAP) ang gastusin ng atleta kapag naospital ito.
Pagkakalooban din ang atleta ng lifetime monthly pension na hindi bababa sa P15,000 kapag mag-isa, at tig-P10,000 naman kung kasapi ng isang team.
Makatatanggap din ng ito ng death benefits na nagkakahalaga ng P30,000 para sa gastusin ng kaniyang pagpapalibing. -- RP/FRJ, GMA News