ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bus na sinakyan ni Tado, kolorum?; plaka ng bus ng Florida, galing sa ibang bus


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Wala raw kaukulang permiso para kumuha ng mga pasahero ang naaksidenteng bus sa Bontoc, Mountain province kung saan 14 katao ang nasawi kabilang ang komedyanteng si Arvin "Tado" Jimenez.

Basahin: Komedyanteng si Tado, kabilang sa mga nasawi sa bus accident sa Mt. Province

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing lumabas sa pagsusuri ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na nakarehistro ang plate number ng naaksidenteng Florida bus sa Mountain Province Cable Tours, na pag-aari ng isang Norberto Que Sr.



Sinabi sa ulat na ang nabanggit na plate number ay ipinatong lang umano sa nasabing Florida bus para makabiyahe.

Basahin: Tado's body, remains of other bus crash fatalities being processed for release to kin

Ngunit iginiit ng LTFRB na hindi nila aprubado ang ginawang paglilipat ng pagmamay-ari ng nasabing plate number sa G.V. Florida Transport Incorporated kaya hindi rin umano awtorisado bus na bumiyahe para magsakay ng mga pasahero.
 
Dahil sa nangyari, sinuspindi na ang mahigit 200 bus ng Florida at ang 10 bus ng Mountain Province Cable Tours.

Pinagpapaliwanag din ng LTFRB ang dalawang kumpanya ng bus kung bakit 'di dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang mga prangkisa.

Sinusubukan umano ng GMA News na makuha ang panig ng Florida Bus at Mountain Province Cable Tours kaugnay sa suspensyon. -- FRJimenez, GMA News