Operasyon ng 228 Florida Trans buses, sinuspinde dahil sa trahedya sa Bontoc
Sinuspinde ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board ang operasyon ng lahat ng buses ng Florida Transport na sangkot sa aksidenteng kumitil ng 14 na buhay sa Mountain Province noong Biyernes.
Sa nasabing utos ng LTFRB, 228 bus units ng kumpanya na bumibyahe sa Nueva Viscaya, Mountain Province, Cagayan, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Bataan ang maapektuhan ng 30 araw na suspensyon, ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez sa isang panayam sa programang "Balitanghali" noong Sabado.
Iimbestigahan din umano ng ahensya kung dapat bang suspendihin o kanselahin ang lisensya ng Florida Transport.
Pansamatalang ipinatigil ng LTFRB ang operasyon ng kumpanya matapos ang trahedya sa Bontoc, kung saan 14 katao ang namatay, kasama na ang komedyanteng si Arvin "Tado" Jimenez, Solar News executive Bam Morillo, musikerong si David Sicam, at visual artist Gerard Baja. Tatlumpung dalawang pasahero rin ang nasaktan sa insidente.
Samantala, natuklasan din ng LTRFB na ang plakang ginamit ng naaksidenteng bus (TXT-872) ay inisyu para sa bus ng Mountain Province Cable Tours.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng LTFRB na sinuspinde rin nito ang 10 buses ng Mountain Province Cable Tours.
"The two companies are given 72 hours from the receipt of the Order to submit a Show Cause explaining why their CPCs should not be suspended/cancelled/revoked in view of the Board’s findings. They are also ordered to appear before the Board on 19 February 2014 for the public hearing of the case," ayon sa LTFRB.
"Failure of the two companies to appear on the scheduled date of hearing will be considered as a waiver on their part and the Board will decide on the merits of the case based on their franchise records," dagdag pa nito.
Dalawang buwan na ang nakararaan nang mahulog ang bus ng Don Mariano Transit sa Skyway sa Metro Manila kung saan 18 katao ang nasawi.
Napag-alaman din ng LTFRB na hindi tugma ang numero ng chassis ng nasabing bus sa nakasaad sa mga dokumento nito.
Matapos ang aksidente sa Skyway, nangako ang LTFRB na mas hihigpitan pa ang regulasyon sa mga pampasaherong bus. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News