ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang kamag-anak ng biktima sa trahedya sa Bontoc, di na magsasampa ng kaso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang kamag-anak ng mga nasawi sa aksidente sa Bontoc ang nagpasya nang makipag-ayos na lamang sa G.V. Florida Transport, operator ng bus, imbes na magsampa ng kaso laban dito.

Lima sa 14 na kaanak ng mga biktima ang pumayag na diumano sa isang kasunduan, ani Alex Versoza, abogado ng kumpanya, sa isang panayam sa radyo dzBB nitong Lunes.

Dagdag pa nito, sinagot na rin umano ng kumpanya ang gastusin sa ospital ng 32 katao na nasaktan mula sa naturang aksidente.

Samantala, papanagutin pa rin diumano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang G.V. Florida Transport kung may makita itong mga pagkukulang mula sa kumpanya sa imbestigasyon na isinasagawa ng ahensya.

"Kung ang nakaraang chairman ng LTFRB pinalusot, there's a new sheriff in town," ani  LTFRB Chairman Winston Ginez sa isang bukod na panayam.

Napag-alaman ng LTFRB na ibang plaka ang ginamit ng bus nang bumiyahe ito patungo sa Mountain Province.

Sa kasalukuyan, suspendido pa rin ang prangkisa ng nasabing kumpanyang bus matapos ang trahedya sa Bontoc noong Biyernes. — Rouchelle R. Dinglasan/BM, GMA News