ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Jeepney na puno ng sakay hanggang bubong, tumagilid; 5, patay, 49, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Lima katao ang nasawi, habang 49 na iba pa ang nasugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeepney na puno umano ng pasahero hanggang sa bubungan sa Licuan, baay, Abra.

Sa ulat ni Brigette Mayor ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's Balitang Pilipinas Ngayon nitong Lunes, sinabing naganap ang insidente habang pauwi na ang mga biktima na pawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P's  ng gobyerno mula sa dinaluhang family day sa bayan ng Licuan-baay.

Ayon sa mga saksi, punong-puno ang jeepney at may mga sakay hanggang sa bubungan nito. Pero normal naman daw ang naturang sitwasyon sa mga jeepney sa lugar dahil limitado ang mga biyahe nito.



Sinabi ng drayber ng jeepney na si Victor Pacio, nawalan ng preno ang sasakyan sa pakurbada at pababang bahagi ng kalsada.

Iniwasan daw niya ang bangin kaya sumadsad at tumagilid sa malalim na kanal ang jeep.

Tumilapon ang mga pasaherong nakasakay sa bubungan kabilang ang magkapatid na Dimple Tugadi, 11-anyos, at Noreen, 9-anyos.

Kabilang ang magkapatid sa limang nasawi.

Kasama naman sa mga nasugatan ang ina ng mga bata na dinala sa ospital.

Ayon sa pulisya, malinaw na overloaded ang jeepney dahil 20 pasahero lang ang dapat isakay dito.

Natuklasan din ng mga awtoridad na nakainom ng alak si Pacio batay sa pagsusuring ginawa sa kaniya.

Iginiit naman ni Pacio na problema sa preno ang sanhi ng aksidente. Sinadya rin daw niyang sa kanal na lang ihulog ang jeepney kaysa sa bangin na mas malala umano ang magiging resulta. -- FRJ, GMA News