ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Saan dapat magpunta ang mga lovers sa Valentine's Day?: Sa simbahan, ayon sa obispo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa Araw ng mga Puso, kadalasang abala sa kung saan-saan at kung ano-anong gawain ang mga mag-irog. Pero para sa isang opisyal ng Simbahang Katolika, sinabi nito na hindi dapat na mawala ang Diyos sa paboritong araw na ito ng mga nagmamahalan sa pamamagitan ng pagsimba.
 
Ayon kay Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, chairman ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, dapat na isama rin sa "date" ng magkasintahan o mag-asawa ang Diyos.
 
Magandang pagkakataon umano ang Araw ng mga Puso para mapasalamatan ang Diyos sa mga ibinibigay na biyaya ng buhay at pag-ibig sa pamilya.
 
“Mas maganda na magpasalamat sa Diyos lalong lalo na ang pasasalamat sa pagkakaroon ng pamilya at ng minamahal," pahayag ni Bishop Jaucian sa panayam ng Radio Veritas.
 
Dagda pa niya, "Unang gawin ay  magpasalamat sa Diyos, magsimba sa alay ng kaibigan ng buhay at pagmamahal ng pamilya. Doon ay mas magiging makatotohanan ang pagdiriwang natin ng valentines day."
 
Para naman sa mga kabataan, sinabi ng obispo na hindi sila dapat matakot na ipaalam sa kanilang sinisinta ang kanilang pagmamahal din sa Diyos.
 
Pinayuhan din ni Jaucian ang mga magulang na huwag kalimutan na gabayan at bantayan ang kanilang mga anak tungkol sa pakikipag-relasyon para hindi sila mapahamak.
 
Una rito, ipinaalala ni Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng Episcopal Commission on Youth ng CBCP,  na dapat na maging mas malalim ang pagbibigay kahulugan sa paggunita sa Araw ng mga Puso, sa halip na pisikal na ugnayan ng lalaki at babae.

Paliwanag ni Fr. Garganta, umiiral ang pisikal na paraang ng paggunita sa Valentine’s Day, sa halip na mas malalim na pang-unawa para sa kabutihan ng sarili at kapwa tao.

“Ang mga activities nila kaugnay ng pagdidiwang dito ay tumutukoy halos sa pisikal na ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae. Sana hindi gayun, sana mas malalim dito ang makitang kahulugan sa paggunita ng Araw ng mga Puso," anang pari.
 
Ikinalungkot din niya ang resulta ng isang pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute at Demographic Research and Development Foundation, na lumilitaw na isa sa bawat tatlong kabataan ang nasasangkot na sa premarital sex. -- MP/FRJ, GMA News