ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

FilAm lawyer tagahabol ng tiwali sa Saipan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang Filipino-American lawyer ang pinagkatiwalaan ng Attorney General’s Office ng Commonwealth of Northern Mariana Islands (CNMI) na humawak sa mga kaso na kung tawagin ay “white collar crime." Si Atty. Mike Ancheta Nisperos Jr., ay nagretiro sa kanyang propesyon sa Oakland, California at noong nakaraang taon, lumipat sa CNMI kasama ang kabiyak na si Atty. Eleanor Oducayen Nisperos, ang pinaniniwalaang unang Pinay lawyer na nagtagumpay sa Amerika. Tulad ni Mike, retirado na rin si Eleanor matapos ang 35 taon sa napiling propesyon at plano niyang balikan ang nakaraan sa Pilipinas upang matuto ng Tagalog at mga lutuing Pinoy. Sa ulat ni Agnes Donato para sa Saipan Tribune, pinasalamatan ni Mike si Attorney General Matthew Gregory sa pagtitiwala sa kanya na habulin ang mga tiwali at mga sangkot sa tinatawag na “white collar crime" sa CNMI. Dalawang taon ang plano ni Mike na manatili sa CNMI kaya naman inilista na niya ang kanyang mga plano. Una ay pagsilbihan ang mga mamamayan dito gamit ang kanyang tatlong dekadang karanasan; pagbisita sa mga kalapit na bansa sa Asya, at pagdalo sa mga kasiyahan kung saan may nakahandang karne ng kambing. Isinilang si Mike sa Mississippi ngunit pagsapit ng limang taon ay lumipat na sila sa California kasama ang mga magulang. Pilipino ang ama ni Mike at Scot-Irish naman ang kanyang ina. Naglingkod si Mike sa U.S. Marine Corps na sumabak sa digmaan sa Vietnam hanggang sa makumpleto niya ang dalawang tour of duty noong November 1971. Sa kanyang pagbabalik sa US, nakilala niya si Eleanor na noon ay katatapos lang sa University of California Berkeley's Boalt School of Law, ang unang Pinay na nakapagtapos ng kursong abogasya sa nasabing paaralan. Ibinahagi ni Mike na magkaiba ang paniniwala nila ni Eleanor nang panahong iyon. Aniya, habang kasama siya ng tropang US na nakikidigma sa Vietnam, si Eleanor ay kasama naman ng mga kabataan na nagpoprotesta laban sa giyera. Ngunit ang magkaiba nilang paniniwala ay binura ng pagmamahalan. Pagkatapos ng ilang buwang ligawan, pinag-isa ang kanilang dibdib noong 1983. Si Eleanor na ang humikayat kay Mike na mag-enroll sa UC Berkeley noong 1974. At taong 1978 ay natapos ni Mike ang abogasya. Kuwento naman ni Eleanor, nakita niya kay Mike ang katangian ng isang mahusay na trial lawyer kaya kinumbinsi niya itong maging abogado. At kung pagbabatayan naman ang mga nagawa ni Mike, hindi nga nagkamali si Eleanor. Matapos pumasa sa bar, nagtrabaho si Mike bilang deputy district attorney sa Alameda County District Attorney's Office sa loob ng dalawang taon. Taong 1980 nang magtayo siya ng law office at pagkalipas ng dalawang taon ay nagbalik siya sa gobyerno. Apat na taon siya sa U.S. Air Force Judge Advocate General's Office sa Guam at Riverside, California, bilang chief of military justice at area defense counsel. Pagkaraan nito ay nagtrabaho siya bilang associate sa dalawang law firms, at isang buwan assignment sa Castle AFB Legal Office sa California. Taong 1991 nang italaga si Mike na pangunahan ang Oakland Mayor's Office of Drugs and Crime, na hinawakan niya sa loob ng anim na taon. Nagsilbi rin siya bilang public safety liaison ng City Manager's Office ng Oakland sa loob ng apat na taon simula 1997. Pagsapit ng 2001, natalaga naman siya bilang chief trial counsel para sa State Bar of California, kung saan pinamunuan niya ang 235 prosecutors, investigators at support personnel. Sa loob ng apat na taon, pinangunahan ni Mike ang mga pinakamalaking imbestigasyon sa kasaysayan ng State Bar of California. Kabilang na dito ang kaso ng isang maliit na grupo ng mga batang abogado na nagsamantala sa may 5,000 maliit na negosyante. Nauwi ang kaso sa pagbibitiw ng mga sangkot na mga batang abogado. Nang magretiro sa gobyerno noong 2005 ay pinatakbo niya ang sariling law office hanggang sa lumipat na sila sa Saipan. Sinabi ni Mike na napili niyang mamalagi sa CNMI dahil malapit ito sa Asya at malaki ang Filipino community. Nais pa rin nila Mike at Eleanor na manatiling aktibo sa pulitikang sangkot ang mga Filipino-American at maging sa mga usaping na may kinalaman sa komunidad ng mga Pinoy. Sa ngayon, nag-aadjust pa sila sa bagong buhay sa CNMI, inaayos ang mga gamit at pinaplano na magkaroon ng sasakyan at naghihintay ng mga bagong kaibigan na mag-aalok sa kanila ng lutuing may “karne ng kambing." - Fidel Jimenez, GMANews.tv