Debate sa Charter change, aarangkada sa susunod na linggo sa Kamara
Matapos makakuha ng suporta sa hanay ng mga negosyante na amyendahan ang probisyon ng Saligang Batas ukol sa ekonomiya, inihayag ng liderato ng Kamara de Representantes na sisimulan sa susunod na linggo ang deliberasyon sa komite ng nalalabing resolusyon tungkol sa Charter change na inihain mismo ni Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Itinakda sa Pebrero 18 at 19 ng House committee on constitutional amendments na pinamumunuan ni Davao City Rep. Mylene Garcia-Albano, ang Resolution of Both Houses No. 1, na inihain ni Belmonte na layuning baguhan ang economic provisions sa Saligang Batas.
Layunin ni Belmonte na luwagan ang ilang probisyon sa pagnenegosyo sa bansa upang makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan at makalikha ng mas maraming trabaho.
Nitong Miyerkules, ibinato ng Joint Foreign Chambers at Philippine Business Groups ang suporta sa inisyatibo ni Belmonte nang magpulong ang mga mambabatas at negosyante nitong Miyerkules. (Basahin: Makati Business Club backs Charter change)
Nakapaloob sa plano ni Belmonte na aprubahan ang Charter change resolution tulad ng karaniwang panukalang batas na kailangan lamang aprubahan ng mga mambabatas.
"It will have to pass through the committee, later this month. I expect it will hit the plenary by the latter part of March, I'm very confident it will pass with required 3/4 vote in the Chamber," paliwamag ng lider ng Kamara.
Tiwala siya na makukuha ang suporta ng three-fourths ng 289 kongresista na katumbas ng 217 mambabatas.
Patuloy pa niya, "It's possibe to pass amendments to the Constitution that touches only a very limited portion of the Constitution, economic key, and that it is possible for the House to pass a bill. Amendment to the Constitution without fooling around with term limits, federalism, one Chamber and all of those things which some people find controversial."
Sinabi ni Belmonte na iniurong na ang iba pang resolusyon at panukalang batas na may kaugnayan sa Charter change upang suportahan na lamang ang nag-iisang inisyatiba tungkol dito.
Muli ring tiniyak ni Belmonte na hindi gagalawin ang mga probisyon tungkol sa pulitika gaya ng pag-alis sa term limits, na ikinababala ng mga kritiko ng Charter change. (Basahin: Grupo ng minorya, duda sa tunay na pakay ng mayorya sa planong Charter change sa Kamara)
Gagawin ang hakbang sa Kamara kahit ilang ulit nang nagpahayag ng pagtutol si Pangulong Benigno Aquino III, sa anumang plano na amyendahan ang Saligang Batas na nabuo sa ilalim ng liderato ng kaniyang namayapang ina na si dating Pangulong Corazon Aquino.
"In my proposal, you are not opening doors, you are simply providing a key in opening the door in case there is a need," paliwanag ni Belmonte na umaasang mahihikayat pa rin niya si PNoy na nagbago ng pananaw sa Charter change.
"I want to prove we are not obsessed with term limits. It is impossible for us to zero in on important issues, and to keep it there," giit niya sabay sabing, "any attempt to put other provisions in the discussion, I, myself, will encourage them to do that." -- RP/FRJ, GMA News