Con-Ass, kailangang ipatawag para walang aberya sa Charter change -- Philconsa
Inirekomenda ng Philippine Constitution Association (Philconsa) kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., na ikonsidera ang pagpapatawag ng Constituent assembly (Con-Ass) para matiyak na hindi magkakaroon ng aberya sa isinusulong nitong pagbabago sa mga probisyon sa Saligang Batas tungkol sa ekonomiya.
Ang rekomendasyon ay ginawa ng grupo kaugnay sa isinasagawang pagdinig ng House committee on constitutional amendments sa Resolution of Both Houses No. 1, na inihain ni Belmonte, na naglalayong susugan ang 1986 Constitution at ilagay din ang katagang, "unless otherwise provided by law."
Sa ikalawang araw ng pagdinig ng komite, iprinisenta ni University of the Philippines (UP) College of Law professor Froilan Bacungan, vice president ng Philconsa, ang posisyon ng samahan sa usapin ng charter change.
"Congress must first constitute itself into a constituent assembly to exercise its constitutional powers to propose amendments to the Constitution. Then and only then may either House or both Houses propose amendments to the Constitution," nakasaad sa posisyon ng Philconsa.
Ang posisyon ng grupo ay batay sa resulta ng isinagawang pagpupulong ng Philconsa's Board of Governors na dinaluhan nina Manuel Lazaro, chairman and chief executive officer, at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, pinuno ng House independent minority block sa Kamara, at kasalukuyang presidente ng Philconsa.
Dagdag ng grupo, para maiwasan ang mga problemang legal sa charter change, "House of Representatives and the Senate adopt a rule delineating the substantive and procedural requirements for the constituent body (Congress) to observe in the exercise its powers to propose constitutional amendment."
Bagaman suporta nila ang hakbang na amyendahang ang Saligang batas, iginiit ng Philconsa na iba ang proseso sa pag-amyenda sa Konstitusyon at pag-amyenda sa karaniwang batas.
Nauna nang sinabi ni Belmonte na isusulong niya ang charter change sa paraang gaya ng pagpasa ng Kongreso sa isang panukalang batas na kailangan lang aprubahan at pagbotohan ng mga mambabatas.
Ngunit maging si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon ay naniniwala na hindi maaaring isulong ang charter change sa paraan na katulad lamang ng pagpasa ng ordinaryong batas.
Ayon kay Davao City Rep. Mylene Garcia-Albano, tagapangulo ng komite, itutuloy nila ang pagdinig sa susunod na linggo at pagkatapos ay pag-aaralan kung maaari na itong pagbotohan kung ipapasa o hindi ang panukala ni Belmonte.
Tiniyak din niya na pinapakinggan nila ang lahat ng pananaw tungkol sa charter change at hindi rin umano nila minamadali ang proseso.
Samantala, naniniwala naman si Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, na may basbas ni Pangulong Benigno Aquino III ang isinusulong na charter change ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara. -- RP/FRJ, GMA News