Vhong, sinampahan ng bagong kasong rape
Isa na namang babae ang nagsampa ng kasong kriminal laban sa television host at komedyanteng si Vhong Navarro na ginahasa diumano siya ng aktor noong 2010.
Sa isang panayam sa GMA News Online sa telepono, sinabi ng abugadong si Virgilio Batalia na nagsampa ang kampo nila ng kasong rape laban kay Navarro sa Pasig City Prosecutor's Office.
Nang tanungin kung bakit ngayon lang isinampa ang kaso matapos ang ilang taon, sinabi ng abugado na iyon ay "discretion of my client."
Ang panibagong kasong rape ay isinampa habang kinakaharap ni Navarro ng isang kontrobersiya na kinasasangkutan niya at ng model-stylist na si Deniece Cornejo, na nauna nang pinagbintangan ang komedyante na nagtangkang manggahasa.
Sa hiwalay na ulat ng "Unang Balita," nilinaw ni Batalla na ang kliyente niya ay hindi konektado sa kampo nina Cornejo at Cedric Lee, na nasangkot sa pambubugbog kay Navarro noong gabi ng Enero 22.
Nagsampa na ng kasong seirous physical injuries, illegal detention, grave threats, unlawful arrest, grave coercion at blackmail si Navarro laban kina Cornejo at Lee.
Samantala, sinabi ni Alma Mallonga, ang abugado ni Navarro, na sasagutin nila ang panibagong akusasyon ng rape kapag nakatanggap na sila ng kopya ng reklamo. — JGV /LBG, GMA News