ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangulong Aquino, kumikiyeme nga lang kaya sa Charter change?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi naniniwala ang mga progresibong kongresista sa sinasabi ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong  Benigno "Noynoy" Aquino III sa ginagawang hakbang sa Kamara de Representantes na amyendahan ang Saligang Batas ng bansa.

Nitong Martes, sinimulan ng House committee on constitutional amendments ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses No. 1, na inihain mismo ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na kaalyado ni Aquino at opisyal sa partido ng administrasyong Liberal Party.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, hindi raw kikilos ang mga kaalyado ni Aquino sa Kamara kung walang basbas ng Palasyo. Katunayan, inaakusahan din nila ang komite na inaapura ang pagdinig sa inihaing resolusyon ni Belmonte na naglalayong susugan ang mga probisyon tungkol lamang umano sa ekonomiya.

Ilang ulit nang sinabi ni Aquino na tutol siya sa charter change at iginiit nito na hindi na kailangang amyendahan  ang Saligang Batas para mapalakas pa lalo ang ekonomiya ng bansa.

Pero hinala ni Colmenares, pumupostura lang si Aquino at iba talaga ang kabig ng dibdib nito sa kabig ng bibig.  Maaaring nahihiya lang daw ang Punong Ehekutibo na lantarang suportahan ang pag-amyenda sa saligang batas na nabuo sa ilalim ng termino ng namayapa niyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.

At kahit ilang beses nang ginarantiyahan ni Belmonte na tanging mga probisyon lamang tungkol sa ekonomiya ang kanilang gagalawin sa Konstitusyon, duda pa rin dito si Colmenares.

Aniya, maaaring galawin din ang mga probisyong pulitikal sa saligang batas partikular ang pag-alis sa term limit ng mga halal na opisyal ng bansa sa sandaling magkaroon na ng pagkakataon na baguhin ang Konstitusyon.

“Very confident ang House na maipapasa ang Cha-cha. Gagalaw ba naman [ang mga kongresista] nang walang basbas ang Malacañang? I can’t imagine an overwhelming majority of the House supporting this without the President’s approval,” paliwanag ni Colmenares na miyembro ng tinatawag na Makabayan bloc.

Ang Makabayan bloc ay koalisyon ng 12 progresibong party-list groups na kinabibilangan ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Courage, Migrante, ACT-Teachers, Katribu, Akap Bata, Piston, Kalikasan at Aking Bikolnon.

Kasunod ng alegasyon ni Colmenares, muli namang iginiit ng tagapagsalita ng Malacañang na walang kinalaman si Aquino sa ginagawang pagdinig ng Kamara sa charter change.

"Malinaw at matibay ang posisyon ng Pangulo na hindi kailangan at hindi prayoridad ang pagbabago ng Saligang Batas. Walang batayan ang alegasyon na yan,"  ayon kay Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr.
 
Nauna nang sinabi ng Palasyo na walang interes si Aquino na manatili sa kapangyarihan kapag natapos na ang termino nito sa 2016.

"Siya na mismo ang nagbibilang kung ilang araw pa ang nalalabi at ilang ulit na niyang ipinahayag na inaasahan niyang dumating ‘yung katanghalian, ano, 12 noon of 30 June 2016," paliwanag ni Coloma.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hanggang isang termino lamang (anim na taon) maaaring manunungkulan ang nahalal na pangulo ng bansa. Kaya naman hindi maaaring tumakbo sa katulad na posisyon si Aquino sa 2016 hanggat hindi nababago ang batas tungkol termino.

Ipinagtanggol din nina Belmonte at House Majority Leader Neptali Gonzales II si Aquino mula sa wala umanong basehan na akusasyon ni Colmenares.
 
“I wish they were right but they aren’t,” ayon kay Belmonte.
 
Sambit naman ni Gonzales, “Right from the start, the President has consistently stated he is not in favor of Cha-cha even if it is limited to the economic provisions.” -- RP/FRJ, GMA News

Tags: talakayan