ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Abogado, 2 pa niyang kasamahan, patay sa ambush sa Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang abogado at dalawa niyang kasama nang paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang suspek ang kanilang sasakyan sa Dalaguete, Cebu.

Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA Cebu sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing inaalam na ng mga awtoridad kung may kinalaman sa pag-ambush ang mga hawak na kaso ng biktimang si Atty. Noel Archival.

Nasawi rin sa pananambang na naganap nitong Martes ang aide ni Archival na si Candido Minoza at drayber niyang si Alejandro Jayme.

Kritikal naman ang kondisyon ng isa pa nilang kasamahan na si Paolo Cortez.



Ayon sa pulisya, pauwi na ang mga biktima sa Cebu city matapos makipagkita sa ilang kliyente sa Dumaguete city nang tambangan sila ng mga suspek na nakasakay sa pulang van.

Nangako ang kapatid ni Archival na si Cebu city Councilor Nestor Archival na sasagutin ang gastusin para sa pagpapalibing sa mga nasawing kasama ng pinaslang na abogado.

Wala pang maisip na motibo ang pamilya sa nangyaring krimen pero iniimbestigahan ng pulisya ang mga hawak na kaso ni Archival.

Si Archival ay naging abogado noon ng dating kongresista na si Ruben Ecleo Jr., na-convict sa kasong pagpatay sa kanyang asawang si Alona Bacolod Ecleo. -- FRJ, GMA News