Panagbenga Festival sa Baguio City, dinayo ng mga turista
Masayang inabangan ng mga tao ang sari-saring aktibidad para sa Panagbenga 2014, tulad na lamang ng Grand Street Dance Parade nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali," sinabing naging maayos at mapayapa ang dance parade na nagsimula dakong 8:00 a.m.
Marami ang natuwa sa performances sa pangunguna ng mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan.
Makukulay ang inihandang mga palamuti at ang ilan nga ay hugis bulaklak, may bubuyog, strawberry at marami pa.
Proud din ang mga estudyante lalo't sila raw ang gumawa ng props. Gawa raw ang mga ito sa recyclable materials alinsunod sa tema ng buong festival na pangalagaan ang kalikasan.
Nagpasiklab din ng iba't ibang tugtugin ang mga drum and lyre group. Hindi rin mawawala sa dance parade ang cultural ethnic dance ng mga Igorot.
Ang iba't ibang performances na ito, patikim pa lang sa inaasahang grand parade ng mga bulaklak sa Linggo ng umaga. -- FRJ, GMA News