Umano'y rape ni Vhong kay Roxanne, kailan nga ba nangyari?; hindi April 24, 2010, ayon sa kampo ng dalaga
Inirereklamo ng kampo ni Roxanne Acosta ang umano'y ginagawang pagkondisyon ng kampo ni Vhong Navarro sa isipan ng mga tao tungkol sa petsa kung kailan naganap ang sinasabing panghahalay daw ng aktor sa dalaga noong 2010.
Sa ulat ni Kara David sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, iginiit ni Atty. Virgilio Batalla, abogado ni Acosta na wala silang sinasabi na naganap ang panghahalay noong Abril 24, 2010.
"Sila ang nagsasabi ng date of rape, doon sa ebidensiya matibay na wala sila doon. Kinukundisyon nila ang tao na nangyari ang rape ng April 24, pero kaming nag-aakusa, hindi namin sinasabing 24," giit ng abogado.
Sinabi sa ulat na batay sa complaint affidavit na isinumite ni Acosta sa Pasig City Prosecutor's Office kamakailan, nakasaad na nagkakilala sina Roxanne at Vhong noong ika-24 ng Abril 2010 nang magkaroon ng guesting ang mga kandidata ng 2010 Bikini Philippines sa noontime variety show kung saan host si Vhong.
Isa si Acosta sa mga kandidata ng naturang beauty pageant.
Matapos umano nito, nagpalitan ng text messages ang dalawa sa parehong araw kung saan nagpakilala ang aktor bilang si Vhong Navarro. Gayundin, batay sa mga mensaheng ipinadala ng aktor, nais umano niyang magkita sila ni Acosta sa hotel room ng dalaga sa Astoria Plaza Ortigas sa Pasig City, ngunit tumanggi ang huli.
"I replied to him stating that I couldn't invite him up because I had roommates and that it was inappropriate for us to meet that way given it was the first time we had met. So instead he offered to pick me up from my hotel," batid nito sa naturang pahayag.
Pero sinundo umano ng aktor ang dalaga sa hotel at nangyari ang sinasabing panggagahasa sa loob ng sasakyan ni Vhong.
Nagkamali sa pangalan ng hotel
Nakasaad din sa naturang affidavit ng dalaga na pansamantala siyang tumutuloy at iba pang kandidata ng Bikini Philippines sa Astoria Plaza.
Taliwas sa pahayag ni Acosta sa naturang affidavit, wala umanong Roxanne Acosta o Bikini Philippines na nag-check-in sa nabanggit na hotel nang araw na nabanggit.
Paglilinaw muli ni Batalla, nagkamali lamang ang kaniyang kliyente sa pangalan ng hotel.
"Noong una, inannounce [announced] sa kaniya na sa Astoria sila. Pero somehow hindi natuloy at nang hindi natuloy na 'yon nailipat pala sila sa Millenia Suite, halos magkatabi 'yon. Ang alam pa rin ng aking klieyente ay Astoria," ayon kay Batalla.
Samantala, nagpakita ang kampo ni Acosta ng ilang litrato kasama ang iba pang mga kandidata na nagpapatunay na tumuloy ang Bikini Philippines contestants sa Millenia Suites.
Ikinumpirma rin ng pamunuhan ng Millenia Suites na tumuloy ang ilang kandidata ng naturang beauty pageant dahil sponsor sila noon.
Pagpalit ng mga pahayag, pabor kay Vhong -- Mallonga
Nanindigan naman ang kampo ni Navarro na hindi nito hinalay si Acosta.
Ayon sa abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga, imposibleng hinalay ng aktor si Acosta noong April 24, 2010 dahil nasa isang concert noon si Vhong sa Cavite.
"Based on Youtube na pinasabi sa'kin, Vhong was in Cavite. So again, this looks like an impossible scenario for rape," giit niya.
Bukod pa rito, lalo namang nagpapahina ng kaso ang pagpapalit ng mga pahayag ng kampo ni Acosta.
"Ngayon na nahulihan sila na hindi totoo 'yon, babaguhin mo ang kuwento— it presents a huge credibility problem, kung puwede mo pa silang paniwalaan. If that only goes to credibility but your ability now to prove your case," saad nito. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News