Magkano ang kailangan para mamuhay sa Canada?
Bukod sa Amerika at Europa, ang Canada ang isa sa paboritong destinasyon ng mga Pinoy na naghahanap ng pangalawang glorya na hindi nila malasap sa Pilipinas. Pero ano nga ba ang dapat asahan ng isang Filipino sakaling mapadpad siya sa Canada? Magkano nga ba ang halaga ng pamumuhay rito? Ayon sa ulat ni Maria Theresa Samante ng OFW Guide, ngayong taon ay maraming oportunidad o trabaho ang maaaring mabuksan para sa mga Pinoy na nais magtrabaho sa Canada bunga ng mga kasunduang nilagdaan ng gobyerno ng Canada at Pilipinas noong nakaraang taon. Kumpara sa Europa, higit na mababa ang halaga ng pamumuhay sa Canada. Ngunit depende pa rin ito sa lugar na iyong tinutuluyan. Paliwanag ni Samante, habang papalapit ka nang papalapit sa mga pangunahing lungsod ng Canada, pamahal din ng pamahal ang gastusin. Ang mga itinuturing na pinakamataas ang halaga ng pamumuhay sa Canada ay sa Vancouver, Toronto at Montreal. Pinakamababa naman sa Charlottetown, Winnipeg at Edmonton. Sa Vancouver, umaabot sa $1,406 ang bayad sa isang mamahaling two-bedroom apartment sa bawat buwan. Sa Toronto, ang karaniwang renta sa paupahang bahay na may isang bedroom ay C$500 hanggang C$1,200 bawat buwan. Pero depende pa rin ito kung gaano kalapit sa lungsod at mga kagamitan. Ang mga two-bedroom apartment naman ay umaabot sa C$900 hanggang C$1,500 bawat buwan. Sa pagkain, ang regular na budget na US$5-10 isang araw ay puwede na. Sinasabing affordable din o abot kaya ang pagkain sa âlabas" sa budget na $20 para sa dalawa. Ang pampasaherong bus naman ang pinakamurang uri ng transportasyon na aabot sa budget C$3 para sa one way. Ang budget naman para sa pagsakay ng tren ay C$2.25 per ticket. Kung magliliwaliw tulad ng panonood ng sine, kakailanganin ang C$8.50 hanggang C$12 budget. Kung magpapadala ng card sa pamamagitan ng postage, magkakahalaga ito ng C$1.45. Mas mahal naman ang gastusin sa elektridad tuwing winter dahil sa paggamit ng mga heater sa tahanan. Kung may planong bumili ng kotse, sinasabing mas mababa rin naman ang presyo ng mga ito sa Canada at ang presyo ng gasolina ay mas mahal depende pa rin sa lungsod na iyong kinaroroonan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV