Charter change, tiniyak na pang-ekonomiya lang, ayon sa isang lider ng Kamara
Tiniyak ng lider ng House committee on constitutional amendments, na tumatalakay sa kontrobersiyal na panukala para sa pag-ameyenda ng Saligang Batas, na tanging usapin tungkol lamang sa ekonomiya ang kanilang tatanggapin sa deliberasyon at wala nang iba pa.
Ayon kay Davao City Rep. Mylene Garcia-Albano, tagapangulo ng komite, hindi nila tatanggapin o papansinin ang mga mungkahi sa cha-cha na walang kaugnayan sa ekonomiya at kung lalabag ito sa batas.
Basahin: Pangulong Aquino, kumikiyeme nga lang kaya sa Charter change?
Sinabi ng kongresista, na tiniyak nila sa mga kasapi ng komite at iba pang dumalo sa isinagawang pagtalakay sa charter change na hindi nila tatanggapin ang tinatawag na "rider" o mga mungkahi na walang kaugnayan sa pakay ng gagawing charter change.
"We did assure them that is against the law. What is embodied in the title [would be] the only provision that we can consider, because anything outside of that is a rider which is not allowed," paliwanag ni Garcia-Albano sa media.
Nitong nakaraang linggo, sinimulan na ng komite ang pagtalakay sa Resolution of Both House No. 1 na inihain ni Speaker Feliciano Belmonte, na naglalayong amyendahan ang mga probisyon sa 1986 Constitution na may kaugnayan sa ekonomiya.
Basahin: Con-Ass, kailangang ipatawag para walang aberya sa Charter change -- Philconsa
Pinawi ni Garcia-Albano, ang mga pangamba na isingit ang pag-amyenda sa mga probisyong politikal sa sandaling mabuksan ang pagkakataon na galawin ang Saligang Batas na nalikha sa ilalim ng pamumuno ng namayapang si dating Pangulong Cory Aquino.
"We are constrained to speak to amendments to the economic provisions. Anything outside of that is not legally possible," anang mambabatas.
Idinagdag nito na tatalakayin nila ang resolusyon ni Belmonte katulad ng karaniwang panukalang batas.
Kabilang sa mga probisyon sa Konstitusyon na nais ipabago ni Belmonte ay ang pagbibigay kaluwagan sa mga dayuhan na nais maglagak ng puhunan sa bansa.
Nauna nang nagbabala si retired chief justice Reynato Puno, president emeritus ng Philippine Constitution Association (Philconsa), laban sa pagmamadali ng Kamara sa pagtalakay sa resolusyon. -- RP/FRJ, GMA News