Nakitang bangkay sa Taguig City, mag-ina; suspek sa krimen, live-in partner ng babae
Nahuli na ang suspek sa pagpatay sa isang babae at bata na natagpuan sa Taguig City nitong Huwebes. Sa ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Biyernes, lumitaw na mag-ina ang mga biktima, at habang live-in partner ng babae ang suspek.
Ayon kay GMA reporter Ian Cruz, matinding selos ang nakikitang motibo kung bakit pinaslang ng suspek na si Danny Belono-ac,45-anyos, ang mag-inang biktima na si Jonalyn Gantiao,27-anyos, at anak nitong si Gwen Angel, 4-anyos.
Anak sa ibang lalaki ni Jonalyn si Gwen Angel.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na palo ng bato sa ulo ang ikinamatay ng mga biktima.
Nilinaw din ng Taguig City police na hindi sakop ng Bonifacio Global City ang lugar kung saan natagpuan ang mga labi ng mag-ina.
Ayon sa isang saksi, huling nakitang buhay ang mag-ina noong Miyerkules ng gabi at kausap daw nito ang nadakip na suspek.
Ang naturang pag-uusap ng mga biktima at suspek ay nauwi umano sa mainitang pagtatalo na humantong sa krimen.
Ang kasera sa tinutuluyang bahay ng mag-ina ang kumilala sa kanilang bangkay sa punerarya. Halos dalawang buwan pa lang daw nangungupahan sa kaniya ang mga ito.
Matapos makumpirma ang bangkay ng mag-ina, kaagad daw na inalerto ang barangay at pulisya para mahuli si Belono-ac.
Pag-amin umano ng suspek, nakita niyang may kasamang lalaki si Jonalyn kaya niya nagawa ang krimen.
Gayunman, itinanggi niyang pinatay din niya ang bata.
Buhay daw nang iwan niya ang bata at iginiit na wala siyang alam kung sino ang pumaslang dito.
Pero batay sa impormasyon ng saksi, isa lang ang nakita niyang kausap ng mga biktima nang huling makitang buhay ang mga ito noong Miyerkules ng gabi. -- FRJimenez, GMA news