ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga bangko, dapat protektahan ang kanilang mga kliyente vs ATM fraud -- Sen. Poe


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling nanawagan si Senador Grace Poe sa mga bangko nitong Sabado na protektahan ang kanilang mga kliyente laban sa mga kriminal na gumagamit ng modernong teknolohiya para makopya ang ATM card ng mga biktima at mai-withdraw ang pinaghirapan nilang kita.

Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ng senador na tinatayang 40 milyong bank depositors sa bansa ang maaaring maapektuhan ng ATM fraud.

“Sabihin na natin na kahit 20 milyon lamang ang merong ATM, marami sa ating mga kababayan ang dumedepende sa ATM sapagkat diyan nila kinukuha ang kanilang sweldo o kanilang mga kinikita,” ayon kay Poe.

Kamakailan ay nagsagawa ng pagdinig ang komite na pinamumunuan ni Poe sa Senado tungkol sa usapin ng ATM fraud. Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at mga bangko.



Noong nakaraang Biyernes, na-huli cam ang isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nag-withdraw sa ATM machine gamit umano ang pekeng ATM card.

Nang mahuli, nakuha sa nabanggit na tauhan ng PSG ang 11 cloned cards.

Samantala, nitong nakaraang buwan, nahuli naman ang isang Italyano sa Pampanga dahil naman sa ATM skimming.

Ayon sa BSP, umabot sa mahigit na 1,200 reklamo tungkol sa ATM ang naitala noong 2013. May kabuuang P220 milyon umano ang halagang nakulimbat sa mga biktima.
 
Sinabi naman ni Poe, na mayroon nang ginagawang hakbang ang mga bangko para dinggin ang mga reklamo ng mga depositor na mabibiktima ng ATM fraud.

Aniya, may isang bangko na nagawang resolbahin ang imbestigasyon sa isang kaso ng ATM fraud sa loob lang ng isang linggo.

“Mabilis na rin po iyan pero isa sa aking iminumungkahi... na kung ikaw ay nabiktima, 'pag nireport mo iyan sa branch manager mo, dapat agad-agad ibabalik sa iyo ang kuwestiyonableng kinuha sa iyong account,” paliwanag ng senador.

Ganito umano ang ginagawa ng mga bangko sa ibang bansa habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa inireklamong kaso.

Dagdag pa ni Poe,  kasabay ng paglago ng ekonomiya ay asahan ding dadami ang mga kriminal na magtatangkang magnakaw ng pera ng mga depositor sa pamamagitan ng ATM.

Kabilang sa mga mungkahi niya ay lumipat na ang mga bangko sa computer chip technology na mas ligtas na gamitin kaysa sa kasalukuyang magnetic strip na ginagamit ngayon sa ATM cards.

Dapat din umanong palakasin ang Anti-Cybercrime Group ng mga awtoridad para labanan ang mga kriminal sa ATM fraud.