ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Barangay chair sa Caloocan City, patay sa ambush; bala, sinalag daw para 'di madamay ang asawa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang punong barangay sa Caloocan City matapos tambangan ng mga nakatakas na suspek ang kaniyang sasakyan. Sa kabila ng pangyayari, nagawa pa umanong salagin ng biktima ang bala para hindi matamaan ang misis na kasama niya sa sasakyan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing  nakunan ng CCTV camera ang pananambang kay Barangay chairman Alejandro "Boy" Bonifacio, sa may Reparo road Brgy 163 sa Sta Quiteria, Caloocan city, na ilang metro na lang ang layo sa kanilang barangay hall.

Sa video, makikita ang biglang paglapit ng gunman na nakasuot ng helmet at pinagbabaril ang biktima na nasa passenger seat sa unahan ng sasakyan. Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang naghihintay na motorsiklo.



Nakaligtas naman ang drayber ni Bonifacio na si Teodoro Catonoy, na mabilis na nakalabas ng sasakyan nang makarinig ng putok.

Ligtas din ang maybahay ng kapitan na si Anita, na umano'y nagawa pang protektahan ng asawa para hindi siya tamaan ng bala.

Bagaman hindi nagpaunlak ng panayam, nananawagan ang ginang sa mga nakakita sa pangyayari na lumutang at tumulong sa imbestigasyon.

Mabait na tao umano ang kanyang mister kaya wala siyang nakikitang dahilan para paslangin ito maliban sa matinding inggit ng iba.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush, cctvcrime