ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Construction worker, patay matapos umanong barilin ng pulis sa isang inuman sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa trahediya ang inuman ng dalawang grupo ng kalalakihan sa San Carlos City, Pangasinan matapos magkapikunan at mauwi sa barilan. Samantala, isang jeepney driver din sa Calasiao, Pangasinan ang nasawi matapos namang barilin ng kaniyang pasahero.

Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima sa San Carlos city na si Benedict dela Vega, isang construction worker.

Pinaghahanap naman ang tumakas na suspek na isa umanong pulis na si PO1 Ronald Depasina na nakatalaga sa NCR Police Office.

Sa kwento ng ilang saksi, nagkapikunan ang dalawang grupo at humantong sa tatlong beses na pagbaril umano ng suspek sa biktima na hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Nagpahayag naman umano ng kahandaang sumuko ang suspek, ayon sa pulisya.

Sa bayan naman ng Calasiao, Pangasinan, patay ang isang jeepney driver nang barilin nang malapitan ng kaniyang pasahero.

Pumapasada patungong San Carlos city ang biktima nang sumakay umano ang suspek.

Nang pumara ang suspek, nilapitan nito ang driver at binaril bago tumakas sakay ng nakabuntot na motorsiklo.

Inaalam ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang kinasangkutang aksidente ng biktima noong nakaraang linggo kung saan may nasagasaan siyang isang matanda. -- FRJ, GMA News

Tags: dagupancrime