Boboto ka ba uli sa babae para maging pangulo ng Pilipinas?
Inihayag ni Senador Miriam Defensor Santiago na magandang pagkakataon ang 2016 national elections para maghalal ng panibagong babaeng pangulo ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa selebrasyon ng International Women’s Month sa Laguna, sinabi ni Santiago na sa pamamagitan ng paghalal ng babaeng pangulo ay makatutulong sa bansa para makamit ang United Nations (UN) Millennium Development Goals sa gender equality.
“We should have a female president in 2016. Research shows that when women are empowered as political leaders, countries often experience higher standards of living with positive developments in education, infrastructure, and health care,” paliwanag niya.
Si Santiago ay tumakbo pero natalong pangulo noong 1992 laban kay dating Pangulong Fidel Ramos.
Pinalitan ni Ramos sa Palasyo ang unang babaeng pangulo ng Pilipinas na si Corazon "Cory" Aquino, habang ikalawang babaeng lider ng bansa si Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga.
Ayon kay Santiago, lubhang malaki pa rin ang agwat ng lalaki at babae sa paghawak ng posisyon sa mga pampublikong tanggapan.
“Numerically, half of our high government officials should be women, and half should be men. And yet the division between the sexes is highly disproportionate in favor of men. In the Philippine Senate, in the 16th Congress, of 24 senators, only six of us are women,” puna niya.
"Masamang karanasan"
Sa kabila ng masamang karanasan sa nagdaang babaeng pangulo, naniniwala pa rin si Sen. Grace Poe, na "women should not be discounted" bilang lider ng bansa.
"Even if we had a sad experience in past, the recent past, it certainly does not discredit all women," paliwanag ni Poe sa hiwalay na panayam.
Ang namayapang ama ni Poe na si Fernando Poe Jr., ay natalo kay Arroyo noong 2004 presidential elections.
Dagdag ni Sen Poe, may mga katangian ang mga kababaihan para maging mahusay na lider.
"May mga likhang magaling ang mga babae. Halimbawa, mas organisado ang mga babae. Sabi nga nila, yung mga welder babae rin kasi mas metikuloso," halimbawa niya..
Gayunman, nilinaw ni Poe, nanguna sa nakaraang 2013 senatorial elections, na wala siyang interes na tumakbong pangulo sa 2016.
"Marami pa akong dapat patunayan, di ba? Iisa pa lang napapasa kong bill," ayon sa senador.
Sa ngayon, pawang lalaki ang lumulutang na posibleng tumakbong pangulo sa 2016 na kinabibilangan nina Vice President Jejomar Binay, Interior Secretary Mar Roxas, Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano at Sen Ramon Bong Revilla Jr. — FRJ, GMA News