ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Turuan kung sino ang magbabayad sa ininom at pinulutan sa videoke bar, nauwi sa suntukan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magkakaibigang pumasok sa isang videoke bar sa Pasig ang labing-dalawang construction workers, pero nang magbabayad na sa kanilang ininom at kinain, magkakagalit silang lumabas at nagsuntukan pa.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, ipinakita ang mainit na eksena ng grupo habang nagsusuntukan at nakunan ng CCTV camera sa bahagi ng Shaw Boulevard sa barangay San Antonio.



Nagsimula sa duruan ang bangayan ng grupo, na humantong sa tulakan, hanggang sa tuluyang nauwi sa suntukan.

Natigil lang ang rumble ng mga lalaki nang dumating ang "security force" ng barangay at hinuli ang mga ito.

Ayon kay Kagawad Melvin Villaruz, nagkapikunan umano ang grupo matapos ang magkapasiklaban sa inuman, at kung sino sa kanila ang dapat magbayad ng kanilang ininom at kinain.

Napag-alaman din na nakalabas at nagbakbakan sa kalye ang grupo nang hindi pa rin nababayaran ang kanilang atraso sa videoke bar.

Pinayagan naman makalaya ang grupo matapos silang magkasundo na humingi ng dispensa sa isa't isa at pangakong babayaran ang "bill" sa videoke bar na pinuntahan nila. -- FRJimenez, GMA News