Criminology student, patay matapos barilin ng kaeskwela sa loob ng campus
Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang criminology student na binaril ng kaniyang kaeskwela sa loob mismo ng kanilang paaralan sa Capiz.
Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na matagal na umanong may alitan ang biktimang si Jhondel Dorado at ang tumakas na suspek na si Jesery Gonzales.
Ang dalawa ay kapwa kumukuha ng kursong criminology sa Capiz State University sa Dumarao, Capiz.
Inaalam pa ang posibleng dahilan ni Gonzales para barilin si Dorado pero hinihinalang may kaugnayan ito sa matagal na umanong alitan ng dalawa.
Ayon sa pulisya, naipasok ni Gonzales ang baril nang dumaan ito sa likuran ng paaralan.
Dahil sa nangyari, nangako ang pamunuan ng paaralan na hihigpitan ang seguridad sa eskwelahan.
Katarungan naman ang nais ng pamilya ng biktima. -- FRJ, GMA News