ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Sino ang mga dapat tumakbong presidente sa 2016 national elections?
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
"Huwag bumoto ng ampaw." Ito ang makahulugang paalala ni Pangulong Benigno Aquino III sa publiko kapag pumili ng mga susunod na lider ng bansa sa susunod na halalan sa 2016. Bagaman dalawang taon pa bago ang nabanggit na halalan, ilang pangalan na ang lumulutang na gustong mahawakan ang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Isa ba sa kanila ang manok mo o may iba kang nasa isip na kandidato? Sina VP Binay, DILG Sec. Roxas, Sen. Revilla, Sen Cayetano, at ang kanidato mo.
Sa dinaluhang pagtitipon ni Aquino sa Hope Christian High School sa Maynila kamakailan, binigyan-diin ng pangulo ang kahalagahan na may "laman" at hindi "ampaw" ang mga dapat na maging lider ng bansa.
"Sino ba yung talagang may laman at sino ba yung ampaw? Yung ampaw baka matutuwa tayo sandali, pero after 10 minutes gutom na tayo dahil wala ngang laman," paliwanag ni Aquino.
Sa isang hiwalay na pagtitipon, sinabi naman Sen. Miriam Defensor Santiago na magandang pagkakataon ang 2016 elections na muling bumuto ng babaeng pangulo.
Unang naging babaeng lider ng bansa ang namayapang si Corazon Aquino (1986-1992), at sumunod si dating pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo (2001-2010).
Wala pang pangalan na inirekomenda si Aquino kung sino ang nais niyang maging manok ng kanilang partidong Liberal Party (LP) sa 2016 elections. Pero minsan nang nabanggit ni Sen. Franklin Drilon, vice chairman ng LP, na maaaring si Interior Secretary Mar Roxas ang kanilang maging pambato sa panguluhang halalan.
Samantala, ang oposisyong grupo ng United Nationalist Alliance (UNA), may posibilidad na si incumbent Vice President Jejomar Binay ang maging manok sa 2016 presidential race. Habang si Sen. Alan Peter Cayetano, ng Nacionalista Party (NP), nagpahayag na rin ng interes na tumakbong pangulo ng bansa.
Bagaman nasasangkot sa kontrobersiya ng pork barrel scandal, kasama rin ang pangalan ni Sen. Bong Revilla Jr., ng Lakas-CMD, sa mga posibleng pagpilian sa panguluhang halalan.
Basbas ni PNoy
Ayon kay Iloilo Rep. Jerry Trenas, malaking bagay pa rin ang basbas o suporta ni Aquino para manalo ang isang tatakbong pangulo ng bansa sa 2016.
Taliwas sa paniwala ng iba na kumukupas na ang endorsement power ni Aquino dahil sa mga kontrobersiya sa gobyerno nito, sinabi ng kongresista na higit na marami pa rin ang naniniwala sa kakayahan ng pangulo.
Sa panayam ng media noong nakaraang linggo, nagbabala si Senator Sergio Osmeña III na posibleng mawala ang endorsement value ni Aquino sa 2016 kung hindi nito tutugunan ang mga problema ng bansa.
Tinawag pa ng senador na "matigas ang ulo" ni Aquino at "awful manager."
"We're not going to overthrow or what not. However, he's going to lose much of his endorsement value in 2016. You know, you have to ascribe or assign a certain value to the endorsement by a sitting president even if he is the outgoing president," ayon kay Osmeña.
Basahin: ‘Awful manager’ PNoy risks losing endorsement value for 2016 polls – Osmeña
Pero hindi naniniwala si Trenas sa pananaw ng senador, ginawa niyang halimbawa ang patuloy na pag-angat at pananatiling malakas ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga kalamidad na tumama sa Pilipinas nitong nagdaang mga taon.
"President Aquino's endorsement power will definitely have a positive effect on his candidates in the 2016 elections. I don't subscribe to claims that his popularity as a leader has diminished and his endorsement power is a kiss of death," pahayag ni Trenas.
Dagdag pa nito, "I think that with his great success in managing our economy and his extra-ordinary commitment in fighting graft and corruption especially those involving powerful political personalities, Pnoy's endorsement is almost a guarantee for victory."
Binigyan-diin pa ng kongresista na dapat tandaan umano na sa ilalim ng liderato ni Aquino naganap ang pinakamatinding kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno, at ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Sa talumpati ni Aquino sa dinaluhang pagtitipon sa Maynila, ginawa niyang halimbawa sa pagpili ng lider ang sitwasyon ng isang eksperto na pabago-bago ng desisyon.
"Ako mahihirapan akong sundan yung ganoon, ano. Hindi maliwanag kung saan niya tayo dadalhin dahil mukhang pati siya hindi niya alam kung saan pupunta," paalala niya. -- RP/FRJimenez, GMA News
Tags: talakayan
More Videos
Most Popular