Ilang dayuhan, 'di umatras sa contest sa pagkain ng maanghang na La-ing at 'Bicol express'
Nagpasiklaban sa kanilang tibay sa panlasa at sikmura ang mga lumahok sa pagkain ng napaka-anghang na mga putaheng Bikolano. Ilan sa mga sumali, mga dayuhang turista na kinailangan ubusin ang tig-isang mangkok ng "Bicol express" at La-ing.
Sa ulat ni Michael Jaucian sa GMA News TV's "Balitanghali," sinabi nitong tagaktak ang pawis ng mga lumahok sa pagkain ng maanghang na mga putahe ng Bicol para sa Magayon Festival na ginanap sa Legazpi city sa Albay.
Kabilang sa putahe ang "Bicol express" na tinadtad ng siling labuyo na niluto sa gata at dinagdagan ng iba pang pampalasa.
Nandiyan din ang la-ing na niluto rin sa gata at nilagyan ng sangkaterbang sili.
Dahil hot na hot ang labanan, nahirapan ang mga kalahok sa pagkain at pag-ubos ng dalawang putahe. Ang iba, halos maluha pa.
Nakaagaw ng pansin ang mga turistang dayuhan na buong-tapang na kumasa sa hamon sa paglantak ng maanghang na putahe.
"It was fun but very spicy," ayon kay Bryna Rabehl.
Hirit naman ni Jerome Mourits, "It was very tasty. I wish I could it eat slower to enjoy it more."
Pero sa huli, mga dugong-Bicolano at tatak-uragon ang itinanghal pa ring Sili King and Queen sa naturang paligsahan. -- FRJ, GMA News