Babae sa Bukidnon na ginahasa at 50 ulit na sinaksak, nabuhay
Pinagsasaksak at ginahasa umano ang isang 18-anyos na babae ng isang lalaki na nag-alok sa biktima na ihahatid siya pauwi sa Libona, Bukidnon makaraang dumalo sa sayawan.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing 50 saksak ang tinamo ng biktima pero masuwerte siyang nakaligtas.
Base sa imbestigasyon, magkasama sa isang sayawan ang biktima at suspek. Pumayag umano ang dalaga sa alok ng suspek na ihatid siya pauwi.
Pero nang dumaan sila sa isang madilim na lugar, inihinto ng suspek ang sinasakyan nilang motorsiklo at doon na nangyari ang krimen.
Tiyempo namang may dumaan sa lugar at agad naisugod sa ospital ang biktima.
Nahuli rin ang suspek sa follow-up operation pero mariin nitong itinanggi ang paratang sa kaniya. -- FRJ, GMA News