ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Habang wala pa ang mga bagong bagon, ano ang pwedeng gawin ng gov't at MRT riders?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inulan ng batikos ang payo ng isang opisyal ng Malacañang na dapat subukan muna ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) ang ibang uri ng transportasyon-- gaya ng bus-- habang wala pa ang mga bagong bagon. Pero ano pa nga ba ang ibang paraan na pwedeng gawin ng pamahalaan at maging ng publiko para maibsan ang problema sa mahabang hintayan at siksikan sa pagsakay sa MRT?
 


Nitong Biyernes, humingi ng paumanhin si Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr., sa publiko kung nagkaroon ng maling impresyon sa kaniyang naging pahayag tungkol sa usapin ng MRT nang makapanayam siya ng media nitong Huwebes.

"Humihingi tayo ng paumanhin at pag-unawa dahil maaaring nagkaroon ng misimpression arising from that single answer," paliwanag ni Coloma.
 
Bunga ito ng kaniyang naging pahayag nitong Huwebes kung saan binitiwan niya ang linyang:  "Yung MRT lang ba ang puwedeng sakyan doon sa mga rutang dinadaanan nito? Baka naman puwedeng matuklasan yung iba pang mga option."
 
Partikular na opsiyon na binanggit ng kalihim ay ang pagsakay ng bus na kadalasang hindi naman daw siksikan.
 
Bagay na umani ng matinding batikos sa mga nakabasa ng pahayag, at sinabing ang ganoong katwiran ay galing sa mga insensitive na opisyal na hindi nagko-commute at hindi palaging dumadaan sa EDSA lalo na kung rush hour.
 
Pero paliwanag ni Coloma, hindi niya nais mabigyan ng negatibong interpretasyon ang kanilang mungkahi.
 
"Sana lang ay maunawaan na hindi iyon ang buod ng aking posisyon dito dahil sa tinagal ng panahon na ating tinatalakay ay palagian naman nating ipinapaalala ang pangangailangan na mabigyan ng epektibong solusyon ang lahat ng mga suliraning ito," pahayag nito.

Nais lang umano ng opisyal na maibsan din lamang muna ang sitwasyon sa mga gumagamit ng MRT dahil inaasahang sa susunod na taon pa darating ang mga bagong bagon.
 
"Humihingi po kami ng paumanhin at pag-unawa sa ating mga kababayan sa kanilang dinaranas na sakripisyo araw-araw. Habang hinihintay ang pagdating ng mga bagong bagon, patuloy na sisikapin ng pamahalaan na maibsan ang problemang ito," dagdag niya.

Tungkol sa hamon na dapat subukan din niyang gumamit ng public transportation, tugon ni Coloma, batid niya ang ugat ng problema dahil nagsilbi siyang undersecretary ng Transportation noong 1989-1990 at direktang pinamunuan din ang Light Rail Transit (LRT).
 
"Kaya hindi naman po siguro kalabisan na sabihin na may pag-unawa po tayo sa araw-araw na sitwasyon na umiiral diyan," paliwanag pa niya.

Ikokonsidera at ipararating din umano niya sa pamunuan ng DOTC at MRT-3 ang mga mungkahi mula sa publiko tulad ng pagkakaroon ng roundtrips at pagsasagawa ng performance targets para sa maintenance contractors ng MRT.
 
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Makati City, nagsagawa ng libreng sakay sa bus para matulungan ang mga pasahero ng MRT.
 
Pero nagkakaroon ito ng problema matapos igiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dapat kumuha ng special permit sa ahensiya ang Makati City kung nais ituloy ang libreng sakay.
 
May suwestiyon din na magkaroon ng special trip ang ilang bus na itotoka lamang na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga MRT station kapag rush hour. Hindi dapat payagan ang bus na ito na magsakay at magbaba sa mga karaniwang bus stop. -- FRJimenez, GMA News
Tags: talakayan