ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1, patay, 6 sugatan nang mauwi sa barilan ang drag racing sa Quezon City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang 22-anyos na lalaki, habang anim na iba pa ang sugatan nang mauwi sa pamamaril ang drag racing ng mga motorsiklo sa Quezon City nitong umaga ng Martes.

Sa ulat ni Jay Sabale  sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nag-ugat ang barilan matapos takasan ng natatalong kapustahan ang nakalalamang na nasawing biktima na si Jackie Pararoja.

Batay sa impormasyon, sinabing ginawa ang iligal na karerahan sa highway ng Mindanao extension sa Quezon City, na patungong North Expressway, dakong 2:00 a.m.



Sinabing mga galing umano sa Southern Tagalog ang mga nakalaban ng mga biktima, na ang pustahan ay P40,000 para sa karera ng motorsiklo na "best of three."

Pero nang manalo umano si Pararoja sa unang arangkada, tumakas umano ang kalaban nito at nakita nilang isinasakay na ang motorsiklo sa mas malaking sasakyan.

Dito na nagkaroon ng komprontasyon na humantong sa pamamaril na ikinamatay ni Pajaroja, at ikinasugat ng anim na iba pa.

Aabot umano sa 50 basyo ng bala ng baril ang nakita ng mga imbestigador sa crime scene kaya pinaniniwalaan na hindi lang isang baril ang ginamit sa pamamaril.

Napag-alaman na matagal na umanong nakikipagkarera ang biktima.

Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang mga nakatakas na suspek. -- FRJimenez, GMA News

Tags: dragracing