Ilang kabahayan, napinsala ng buhawi sa Davao del Sur
Ilang araw matapos tumama ang isang buhawi sa General Santos City, 13 kabahayan naman ang napinsala nang manalasa ang isang buhawi sa Magsaysay, Davao del Sur.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing naganap ang pagtama ng buhawi sa barangay San Isidro at New Ilocos noong Miyerkules.
Kasunod ng buhawi ang pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa barangay ng Poblacion at Bala, na nakapinsala sa mga pananim at nakaapekto sa may 28 pamilya.
Bago nito, may 100 pamilya sa Barangay Upper Labay sa General Santos City ang nawalan ng tirahan nang manalasa rin ang buhawi noong Linggo ng Pagkabuhay.
Sa ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council noong Martes, sinabing 27 kabahayan ang nasira at 77 iba pang bahay ang bahagyang napinsala ng malakas na hangin. -- FRJ, GMA News