Binatilyo, patay sa rabies ng tuta; biktima, sa albularyo dinala nang makagat sa daliri
Isang binatilyo ang binawian ng buhay isang buwan makaraan siyang makagat ng tuta sa daliri sa bayan ng Bacnotan sa lalawigan ng La Union.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabi ng ina ng biktima na sa albularyo nila dinala ang anak nang makagat ito sa halip na sa ospital.
Pero nitong nakaraang linggo lang lumabas sa biktima ang sintomas ng rabies gaya ng pagsusuka at pamamanhid ng kamay hanggang sa tuluyan nang pumanaw.
Isa pang bata umano ang nakagat din ng parehong tuta kaya pinabakunahan na ito at sinusuri ng Provincial Health Office.
Namatay naman ang tuta na nakakagat sa kanila.
Dahil sa insidente, hinigpitan ng lokal na pamahalaan ang patakaran sa mga nakawalang aso.
Pinayuhan din ang mga may-ari ng hayop na pabakunahan ang kanilang mga alaga. -- FRJ, GMA News