Rotational brownout sa CDO, lalo pang tumagal
Mula sa dating apat na oras, umaabot na sa pitong oras ang rotational brownout sa Cagayan de Oro City. Apektado nito ang mga maliliit na negosyo at pinapangambahan na pagmulan din ng sunog lalo na sa gabi.
Sa ulat ni Sosie Alanban ng GMA-Northern Mindanao Bureau sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing dalawang insidente ng sunog ang naganap sa lungsod nitong Martes ng gabi.
Wala namang nasaktan o nasawi sa sunog na tumupok sa isang boarding house at isang fruit stand.
Aminado ang mga awtoridad na maaaring pagmulan ng sunog ang nagaganap na brownout dahil naghahanap ng alternatibong ilaw ang mga tao tulad ng paggamit ng kandila.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na isang eksperimentong paggamit ng battery plate na kinabitan ng ilaw ang dahilan ng sunog sa fruit stand.
Ipinayo ng mga awtoridad na maging maingat ang publiko ng mga kandila o gasera, at alisin sa saksakan ang appliances kapag nawalan ng kuryente.
Samantala, lubos na apektado ng brownout ang maliliit na negosyo na hindi kayang bumili ng mga generator set para mapatakbo ang operasyon ng kanilang negosyo.
Dahil napipilitan ang ilang negosyo na magsara muna kapag walang kuryente, naaapektuhan din ang kita ng mga trabahador na porsiyentuhan ang kita.
Inihayag ng Cagayan de Oro Electric Power and Light Company, lalo pang bumaba ang nakukuha nilang suplay ng enerhiya sa National Grid Corporation of the Philippines.
Epekto umano ito ng kakulangan pa rin sa power supply mula sa mga hydropower plant. -- FRJ, GMA News