2 tapat na janitor na nagsauli ng P1M sa Iloilo airport, nais bigyan ng pagkilala
Dahil sa ipinakita nilang katapatan sa pamamagitan ng pagsasauli ng isang bag na may lamang P1 milyon na nakuha nila sa Iloilo airport, inirekomenda ng pinuno ng Department of Tourism Western Visayas na mabigyan ng parangal ang dalawang janitor.
Sa ulat ng Bombo Radyo nitong Biyernes, sinabi ni DOT-Western Visayas head Helen Catalbas na inirekomenda niya para sa Tourism Star Awards ang mga janitor na si Rubilyn Dela Peña at Edgar Penit.
Ayon kay Catalbas, nakikipag-ugnayan din siya kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Iloilo Manager Percy Malonicio para sa nararapat na pagkilala sa dalawa.
Una rito, ibinigay ng dalawa sa kanilang pinuno ang napulot nilang bag sa pre-departure area ng airport na naglalaman ng dolyar at dinar na may kabuuang halaga na halos P1 milyon.
Hindi naman nabanggit sa ulat ng Bombo Radyo kung kailan napulot at isinauli ang bag.
Ang Tourism Star Awards ng DOT ay ibinibigay sa mga tourism "frontliner" na tumutulong para mabigyan ng magandang karanasan ang mga turistang bumisita sa bansa. —FRJ, GMA News