ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3, patay sa magkakahiwalay ng insidente ng pamamaril sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlong lalaki ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Davao City. Kabilang sa mga biktima, isang tricycle driver na binaril sa mukha habang naghihintay lang ng pasahero.

Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing dead on the spot ang biktimang tricycle driver na si Trifon Aviola.

Ayon sa pulisya, naghihintay lang ng pasahero si Aviola sa barangay Barrio Obrero nang lapitan ito at paputukan ng 'di pa nakikilalang salarin.

Bago ang pagpatay kay Aviola, binaril din at napatay ang isang dispatcher ng jeep sa harap ng isang department store sa barangay Panacan.



Base sa imbestigasyon ng pulisya, may nakaaway na tricycle driver ang biktimang si Melvin Relacion bago siya pinatay.

Ayon sa ilang saksi, dalawang tao ang bumaril sa biktima na nagtamo ng pitong tama ng bala sa ulo at kamay.

Napag-alaman naman sa pulisya na nakulong na ang biktima noong 2009 dahil sa kaso ng pangho-hold up ng taxi.

Inaalam ngayon ng mga imbestigador kung may kaugnayan ito sa pagpatay sa biktima.

Samantala, isang guwardiya rin ang namatay dahil sa pamamaril naman ng kapwa niya guwardiya noong Biyernes.

Naka-duty ang biktimang si Anthony Ayap sa isang farm sa barangay Bunawan nang mangyari ang krimen.

Sinabi ng iba pang gwardiya sa farm na palaging nag-aaway ang suspek at ang biktima.

Hindi pa malaman ng pulisya kung ano ang ugat iringan  ng dalawa. Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na tumakas matapos ang insidente. -- FRJ, GMA News

Tags: crimedavao