Mga miyembro ng Gabinete na nasa ‘Napolist,’ 'di gagalawin ni PNoy
Walang balak si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na alisin sa puwesto ang mga kasapi ng kaniyang Gabinete na idinadawit sa "pork barrel" fund scam.
Para kay Aquino, hindi sapat na dahilan ang pagkakasama ng pangalan ng kaniyang mga opisyal sa listahan na idinadawit sa maanomalyang paggamit umano ng priority development assistance funds (PDAF) na sinasabing minaniobra ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
"Mali siguro na may nag-criticize [lang], dapat tanggalin na kaagad. Siguro ang importante; may ebidensya nga ba?" pahayag ni Aquino sa media sa ginanap na inagurasyon ng bagong solar power plant sa Negros Occidental nitong Huwebes.
Bukod sa mga mambabatas, nababanggit din sa tinatawag na "Napolist" sina Budget Sec. Butch Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala at Technical Education and Skills Development Authority director Joel Villanueva.
Si Abad ay dating kongresista ng Batanes, habang naging mambabatas naman ng Quezon si Alcala. Naging kinatawan naman noon ng Cibac party-list group si Villanueva.
Ang pangalan ng nabanggit na mga opisyal ay nakapaloob sa unsigned Napoles list at affidavit na nakuha ni dating Sen. Panfilo Lacson, na ibinigay nito sa Senate Blue Ribbon committee.
Ang nabanggit na komite ang nagbigay ng kopya ng listahan sa media.
Paliwanag ni Aquino, dapat sundin ang sistema ng hustisya kung saan kailangang samahan ng ebidensiya ang mga paratang.
"Baka hindi alam ng ating mga kaibigan sa kaliwa ... pero dito sa bansa natin karapatan ng bawat isa ang pinangangalagaan at isa sa mga tenets ng ating batas ‘innocent until proven guilty’. Hindi ‘guilty until you prove yourself innocent,’" giit ng pangulo.
Tungkol sa usapin kung may tiwala pa ba siya sa kaniyang mga opisyal na dadawit sa iskandalo, tugon ni Aquino: "May tiwala ba ako sa kanila o wala? Ano ba actually ang allegation sa kanila? At ipinangako ko naman sa inyo—at palagay ko nakita na ninyo—pag may ebidensya tayong supisyente, dalhin natin sila sa korte, at yun nga ang nangyari na nung dinala yung ating information sa Ombudsman."
Nauna nang inihayag ng Palasyo na nananatili ang tiwala ng pangulo kay Abad.
Ayon pa kay Aquino, naipakita na rin sa kaniya ni Villanueva ang dokumento na umano'y nadadawit dito sa pork barrel scam.
"Yung party-list na nakalagay doon sa letterhead, doon sa alleged document from him, ay ibang party-list [doon sa party-list niya]," ayon sa pangulo.
Patuloy ni Aquino, hindi maaaring basta na lamang maghahain ng kaso kanino man na sa huli ay ibabasura rin lang ng korte gaya ng nangyari umano sa kaso ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng munti-million fertilizer fund scam na ibinasura lang ng korte.
"So palagay ko obligasyon ko sa sambayanan manigurado [na] 'pag naghain tayo ng kaso matibay ang ebidensya para talagang maparusahan yung nagkasala," giit niya.
Nauna nang sinabi ni Aquino na tatlong listahan na naglalaman ng mga sangkot umano sa pork barrel scam ang batid niya.
Nitong Huwebes, sinabi ni Aquino na isa sa mga listahan ay nadadawit sa 14 na senador, habang 11 isa naman sa isa pang listahan.
"So bakit iisa ang source, paiba-iba yung tinutukoy niya? Tapos kahapon sa diyaryo 25 na yung nakalagay naman na pangalan—both incumbent and yung ex-senators," pagtataka ng pangulo.
"Ihahain ba natin yung kaso ng 25 bahala na si Batman? Or manigurado tayo na 'pag hinain natin, kung tayo’y naniwala na may ginawa itong taong ito, nandyan lahat ng ebidensya, isampa natin sa tamang oras yung kaso para siguradong magbayad yung mga may utang sa bansa?" paliwanag niya.
Tungkol sa sinasabing pinirmahang affidavit ni Napoles, sinabi ni Aquino na kailangan pa ring alamin ang katotohanan sa mga nakasaad dito.
"Ikaw ba ay tutulong maglinaw sa usaping ito o ang habol mo lang paguluhin? Para dahil kaka-explore natin nung lahat ng akusasyon, kaka-imbestiga, gusto nilang ma-time out na ako para wala nang maisampa yung kaso. So siyempre kailangan mag-ingat tayo diyan," pahayag ng pangulo.
"Importante makuha natin yung kanyang testimonya na makakatulong malaman yung katotohanan imbes na kung saan-saan tayo dinadala na para—baka gusto nila tayong mahilo at mawindang at hindi tayo papayag noon," dagdag niya. — FRJ, GMA