Ilang mangingisda sa Ilocos Sur, nalulugi na raw sa pagkamatay ng mga isda dahil sa init ng panahon
Dahil sa mainit na panahon, namamatay na ang mga isda sa mga fish cage sa bayan ng Caoayan, Ilocos Sur. Dahil dito, nalulugi na umano ang ilang mangingisda.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing umaabot sa 30 hanggang 50 tilapya ang namamatay kada araw mula sa mga fish cage sa Caoayan.
"Maganda sana kung umulan para lumamig kasi itong mga tilapia kung mainit talagang mamamatay sila," ayon kay Von Sarmiento, may-ari ng baklad.
Nanghihinayang ang mga may-ari ng baklad dahil ang mga namamatay ay mga isda na puwede na sanang ibenta.
"Halos mas malaki yung lugi namin ngayon kasi malalaki na yung mga namatay, 'di bale sana kung maliliit pa sila," sambit naman ni Joey Ragamat.
Paliwanag ng municipal agriculturist, bumababa ang oxygen level ng tubig dahil sa matinding init. Nakakasama rin umano ang sobrang siksikan ng mga isda sa mga fish cage.
Umaabot daw kasi sa 10,000 ang mga isda sa kada fish cage, na mahigit doble sa inirerekomendang 3,000 hanggang 4,000 isda lamang.
"Kung ikaw ang nasa iisang kwarto at puno kayo doon siyempre maiipit at mahihirapan ka sa paghinga ganun din ang isda," paliwanag ni Marilou Factor, municipal agriculturist.
Pinayuhan niya ang mga mangingisda na alisin at ilibing ang mga namatay na isda para hindi makaapekto sa iba. -- FRJ, GMA News