ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalagita, patay nang makuryente sa swimming pool ng isang condo sa Mandaluyong


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Winakasan ng isang trahediya ang mga pangarap ng isang 13-anyos na dalagita na nasawi makaraang makuryente sa swimming poll ng isang condomium building sa Mandaluyong City. Ang biktima, inimbitahan lang ng kaanak kasama ang kaniyang pamilya para dalawin ang lola na nagbabakasyon lang sa bansa para makapiling sila.

Sa exclusive report ni Marison Abdurahman sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hirap tanggapin ng pamilya ang nangyari sa biktima lalo na ang ina nito na pilit na iniligtas ang anak at itinaya maging ang sarili niyang kaligtasan.

Ayon kay Gng. Anne Pasion, nangyari ang trahediya sa kaniyang anak na si Pauline, nitong Martes ng gabi sa swimming pool ng Gateway Regency Condominium ng Robinsons sa Mandaluyong.

"Six (p.m.) kasama ko pa siya (Pauline) tapos 7:25 (p.m.) sabihin ng duktor patay na siya. Parang siyempre, hindi totoo 'yan, hindi mo pa matanggap, hindi pa kaagad matatanggap," malungkot na pagbahagi ng ginang.

Kuwento ni Anne, inimbitahan sila ng kanyang bayaw na mag-swimming at mag-overnight sa naturang condo. Magkakasama raw na nagsu-swimming ang biktima at mga kapatid nito na sina Pearl, 16, anyos, at Paul, 12-anyos.



Maya-maya lang, nagulat daw siya ng magsigawan na ang mga bata.

"Nandun po yung anak ko sa gitna ng pool na parang island na may puno, nandun siya sa gitnang gitna at nangingisay po siya, at tumitirik ang mata po niya," ayon sa ina.

Sinaklolohan daw ni Anne ang anak kahit pa nararamdaman na rin niya ang pagdaloy ng kuryente sa kaniyang katawan.

"Kahit nakukuryente ako, siyempre anak ko 'yon eh, parang kung wala kang ano, kung mamamatay din ako. Tinulak-tulak ko hanggang sa maalis siya sa island na 'yon sa gitna," ayon pa sa ginang.
 
Lumapit daw ang guwardya ng condo at tumulong na itinakbo si Pauline sa ospital pero idineklara itong dead on arrival.

Hindi matanggap ni Anne ang pagkawala ng anak na marami raw pangarap sa buhay.

Ayon sa pamilya, base raw sa isinagawang awtopsiya ng Police-SOCO, nasunog ang baga ng dalagita.

Ang lola ni Pauline na nagbakasyon lang sa bansa para makasama ang mga apo, labis din ang paghihinagpis.

"Yung apo ko na 'yon, nag-embraced sa akin, sabi niya sa akin, 'lola bukas babalik ako,'" naiiyak na pahayag ni lola Aida Pasion.

Kapabayaan ng namamahala ng condo ang sinisisi ng pamilya Pasion. Nakuryente raw kasi si Pauline sa island ng swimming pool na may ilaw.

Wala raw signages na nakalagay sa lugar o nagsabing bawal sa mga naliligo na magtungo doon.

Dinala rin sa ospital nitong Miyerkules ang dalawang kapatid ni Pauline dahil nakaramdam daw ang mga ito ng pamamanhid ng kamay.

Inireklamo na ng pamilya sa Mandaluyong police ang insidente.

Ayon kay P/Sr. Supt. Tyrone Masigon, hepe ng Mandaluyong police, nagpadala na sila ng imbestigador sa condo building at sinuri ang lugar na nakuryente si Paulene.

Sinabi sa ulat na pinuntahan ng GMA News ang Gateway Regency Condominium ng Robinsons para makuha ang kanilang panig pero walang humarap sa mga opisyal nito.

Hindi rin pinayagan ang GMA News na makapasok sa gusali at pinagbawal pa ng security guard na kumuha ng video kahit sa harapan ng gusali.

Sinabi naman ng pamilya ng biktima, may nagpunta sa kanilang kinatawan raw ng Robinson para makiramay pero hindi na nila ito muling nakakausap. -- FRJ, GMA News

Tags: tragedy, accident