4, patay sa magkahiwalay na aksidente sa Pangasinan at La Union
Apat katao ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa Binmaley, Pangasinan at San Juan, La Union, na kinasangkutan ng mga trak at tricycle.
Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing magkakasunod na nagbanggaan ang isang motorsiklo, isang tricycle at isang delivery truck sa Binmaley.
Nasawi sa naturang aksidente ang rider ng motorsiklo na si Renato Bartolome.
Ayon sa mga nakakita, bumangga ang motorsiklo sa delivery truck na bigla umanong tumigil matapos na masagi ang tricycle.
"Na-sidesweep itong tricycle, and suddenly nagpreno 'tong trak at bumangga itong... dahil na rin sa mabilis na takbo nitong naka-motorcycle," ayon kay Police Inspector Apollo Calimlim.
Nasugatan naman sa karambola ang mga sasakyan ang dalawang sakay ng tricycle.
Matapos ang aksidente, kaagad umanong umalis ang trak at patuloy itong hinahanap ng pulisya.
Hindi pa umano matiyak kung ano ang sanhi ng aksidente at kung sinong dapat managot sa nangyari.
Samantala, nagsalpukan naman sa pakurbang bahagi ng national highway sa San Juan, La Union, ang isang tricycle at isang trak.
Nasawi sa aksidente ang tatlong sakay ng tricycle.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na mabilis umano ang takbo ng tricycle at naagaw nito ang linya ng trak sa pakurbang bahagi ng kalsada. -- FRJ, GMA News