Pamilya ng batang nakuryente sa pool, desididong magsampa ng kaso
Humingi na ng tulong sa Public Attorney's Office (PAO) ang pamilya ng 13-anyos na babae na nasawi matapos makuryente sa swimming pool ng isang condominium building sa Mandaluyong noong Martes ng gabi.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing determinado ang pamilya ng biktimang si Pauline Pasion na kasuhan ang pamunuan ng Gateway Regency condominium ng Robinsons Residences.
“There's no money equivalent to my niece's life,” pahayag ni Don Pasion, tiyuhin ng biktima. “We do want justice so most likely kakasuhan namin.”
Sa naunang ulat, ikinuwento ng ina ni Pauline na nagsu-swimming ang kaniyang mga anak nang makuryente ang biktima sa island ng pool na mayroong ilaw.
Tiniyak naman ni PAO lawyer Demiteer Huerta, na pagkakalooban nila ng legal assistance ang pamilya Pasion.
“Siyempre may pananagutan yung management nung condominium na 'yan at puwedeng maghabol ng damages. Puwede silang (family) mag-file ng civil case for damages laban sa management,” ani Huerta.
Samantala, inihayag naman ng Mandaluyong police, na magsasagawa sila ng pag-inspeksiyon sa pinangyarihan ng insidente sa Biyernes.
“We will bring the engineering [personnel] ng City Hall to accompany us para ma-check yung area,” ayon kay Senior Superintendent Tyrone Masigon, hepe ng Mandaluyong police.
Sinabi naman sa ulat na muling binalikan ng GMA News ang condominium para makuha ang panig ng pamunuan nito pero magpapalabas na lang umano sila ng opisyal na pahayag. -- FRJ, GMA News