3 Koreano, patay matapos saksakin umano ng isa nilang kaanak sa Cebu
Natagpuang duguan at patay na ang tatlong Koreano sa loob ng isang restaurant sa Lapu-lapu City, Cebu nitong Huwebes ng hapon. Lumitaw na pinatay sa saksak ang mga biktima ng kanila mismong kaanak, na nagtangka ring magpakamatay matapos gawin ang krimen.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng video sa naganap na karumal-dumal na krimen na nangyari sa mga Korean national na sina Young Mi An at kanyang mga magulang na sina Ho An at Kim Soonok.
Nadiskubre ang bangkay ng mga biktima sa loob ng isang restaurant sa Sitio Bagumbayan Dos, Barangay Maribago sa Lapu-lapu city, nitong Huwebes dakong 5:00 p.m.
Ang suspek, ang asawa ng isa sa mga biktimang si Young Mi Ann.
Ayon kay Chief Insp. Conrado Manatad, hepe ng Station 2 ng Lapu-lapu city Police, nakita ang mag-asawang biktima sa labas ng palikuran, habang ang asawa ng suspek ay nasa kusina.
Nagtamo ng dalawa hanggang tatlong saksak sa katawan ang mga biktima.
Samantala, natagpuan naman sa itaas ng restaurant ang suspek na may laslas pero buhay pa at dinala sa pagamutan.
Ayon sa gwardiya ng restaurant, narinig niya na may nag-aaway sa loob ng establisimyento. May narinig din daw siyang mga nababasag na gamit at iyak sa loob.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo ng suspek.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.
Isasailalim naman sa liquor at drug test ang suspek, na nahaharap sa kasong parricide at multiple murder. -- FRJ, GMA News